HOROSCOPE DECEMBER 13, 2022

HOROSCOPE DECEMBER 13, 2022

December 13, 2022 @ 7:00 AM 2 months ago


 

VIRGO (Agosto 23 – Setyembre 23) — Kung may pera ka at maalwan ngayon, huwag kang magkakamaling magpasaring o magparinig sa isang kaanak o kaibigan na down ngayon. Kumbaga sa pagpalaot at panghuhuli ng isda, sila ‘yung hindi pinalad o minalas ngayong taon. Kung tutulong ka man o mag-aabot kahit papaano, huwag mo na silang pangaralan kung bakit nagkaganun ang kanilang buhay. Walang sinoman ang may gusto nun. Dumaraan ang lahat sa pagsubok. Alalahanin mo rin ang mga araw na walang-wala ka. Kaya, maging maingat ka at magtipid sa pagsasalita.

LIBRA (Setyembre 24 – Oktubre 23) — Sanay ring magtiis. Hintayin mo lang ang magandang kapalaran na ibubuhos sa iyo. Kaya nga sa lahat ng sign, ikaw ang timbangan dahil kaya mong balansehin ang lahat. Na ikaw ay patas sa lahat. Magkakapera ka ngayong holiday season kaya huwag kang mag-alala. Bubuhos naman ang grasya ng hindi mo namamalayan. Magtipid at gastusin ang pera sa talagang makabuluhang bagay. Kung bisyo o sigarilyo, okay lang basta masaya ka at walang napeperwisyo, okay lang. Basta, budgetan mo lang at huwag mong gagalawin ang budget sa ibang gastusin.

SCORPIO (Oktubre 24 – Nobyembre 22) — Kung may ipinagagawa sa iyo ang iyong boss, gawin mo ang ayon sa hinihingi at huwag masyadong sumubra. ‘Yung tamang-tama lang. Baka kasi kapag ginandahan mo at sobrang pulido, malaki na ang ekspektasyon niya sa iyo. Tama lang ‘yung katamtamang resulta para kaunti na lang ang hahabulin kung naghahangad pa ng mas maganda. At least may ipakikita ka pa. Kung may paparating ka pang pera, gumastos ka basta satisfied ka. Unahin mo ang sarili at pamilya. Huwag ang ibang tao na wala namang puhunan sa pag-asenso mo.

SAGITTARIUS (Nobyembre 23 – Disyembre 21) — Ang inaakalang gulo at hindi mapayapang nangyayari sa loob ng tahanan ay hindi gayun. Marahil ay naninibago ka lang sa mga kaanak mo dahil sobra silang happy. Kung may nagsisigawan man o nagbubulyawan o may tumataas ang boses, hindi sila nagtatalo o nag-aaway. High pitch lang sila at masaya dahil nakaalpas sa pagsubok. Kaya, huwag itong seryosohin at problemahin. Ang mahalaga, masaya kayo at maraming handa ngayong holiday season.

CAPRICORN (Disyembre 22 – Enero 19) — Kung hindi naman mahalaga ang lakad, makabubuting manatili sa bahay. Kumain, uminom at manood ng magagandang palabas na nakatutuwa. Kailangan ng iyong pamilya ang iyong presensya sa tahanan. Kung may pasok, umuwi ng maaga kapag uwian na. Mahirap sumakay ngayon. Mag-shopping ka na lang sa department store na malapit sa inyo at huwag nang lalayo.

AQUARIUS (Enero 20 – Pebrero 18) — Ang inaasahan mong darating ang hindi darating. At ang hindi darating ang siyang darating. Ganyan ang ugali ng dalawang taong kausap mo sa isang transaksyon. Piliin mo ang huli kaysa sa una dahil siya ang talagang interesado sa iyong alok. Ang perang matatanggap ng iyong grupo ay hatiin mo sa tama at pantay-pantay kahit na ikaw ang gumawa ng malaking effort. Ipinakikita nito na ikaw ay isang taong hindi takot sa kalugihan at iniisip mo ang kasiyahan ng iba at ng lahat.

PISCES (Pebrero 19 – Marso 20) — Sana naman, araw-araw ka nang maging malambing sa swetty pie mo. Hindi lang tuwing sasapit ang araw ng Pasko at Bagong Taon. Alamin mo rin ang kanyang pinagdadaanang hirap bago mo siya husgahan. Mas mahirap usigin ng kasambahay kaysa sa taong hindi mo kaano-ano. Kapwa n’yo i-share ang blessings sa isa’t isa at purihin ang narating ng isa’t isa sa kani-kanilang career. Huwag magpataasan ng pride at ihi.

ARIES (Marso 21 – Abril 19) — Huwag mong ipangalandakan ang iyong natanggap na biyaya o perang mayroon ka sa mga panahong ito. Huwag kang makipagpataasan ng ihi. Kung may iaamot o iaambag sa okasyon ng mag-anak ngayong yuletide season, magbigay na lang ng kusa at tahimik. Ang nakikipagpayabangan ang siyang matatauhan sa huli. Sinupin ang pera para sa mga susunod na mga araw.

TAURUS (Abril 20 – Mayo 20) — Sagrado ang Pasko. Kaya, sagrado rin dapat ang pagturing mo rito. Hindi ito panahon ng inuman at paingayan. Huwag mong kasanayan ang kinalakihan at nakasanayan nang maling pagdiriwang nito. Dahil kung hindi, butas na ang bulsa mo, ngarag ka pa sa bagong taon. Magsalo-salo ng tahimik pero masaya, medyo maingay pero nasa lugar.

GEMINI (Mayo 21 – Hunyo 21) — Huwag mo nang hintayin na lumamig pa ang pakiramdam niya. Samantalahin mo na habang masaya siya ngayon. Hindi ka mabibigo kung makikipag-ayos sa nakatampuhang kaibigan o kasintahan. Ikaw lang naman ang hinihintay nilang mag-approach. Dahan-dahan ka rin sa paggastos. Baka akala mo, hindi mabigat pero kapag lumipas na ang araw, saka mo mararamdaman na ikaw ay kinakapos. Kaya, bantayan ang ginagastos na pera.

CANCER (Hunyo 22 – Hulyo 22)  — Huwag mo munang ituloy ang binabalak na magpropose sa kanya porke masaya ang okasyon. Ang nais ng iyong kasintahan ay magrelaks at mag-unwind. Sa gayun ay makalimutan niya ang hirap at stress na pinagdaanan sa trabaho at sa personal na buhay. Aplikable sa iba, pero hindi aplikable sa iyo dahil may pinagdaraanan pa siya. Hayaan mong siya ang magparamdam nu’n sa iyo.

LEO (Hulyo 23 – Agosto 22)  — Baka sa rami ng dumarating na grasya o pera sa iyo, baka hindi mo namamalayang nakalilimot ka na. Huwag na huwag mong kalimutan ng isang tunay na kaibigan na nagsakripisyo upang makaahon ka. Siya ang una mong hanapin at i-prioritize na ambunan ng blessings mo. Kasi, down siya ngayon. Ikaw na mismo ang mag-abot ng iyong kamay, sa pakikipagtalastasan at pag-abot ng tulong.