HOROSCOPE DECEMBER 30, 2022

HOROSCOPE DECEMBER 30, 2022

December 30, 2022 @ 7:00 AM 1 month ago


 

VIRGO (Agosto 23 – Setyembre 23) — Kung pabonggahan lang ng pera at estado sa buhay ang layun ng iba sa mga reunion, makabubuting huwag mo silang imbitahan sa iyong pamamahay. Lilikha lang ito ng pagkainis at pagkagalit ng ibang uupatin nila para iangat ang mga sarili nila. Baka pati ikaw ay madamay sa kanilang mapanghusgang mata. Baka ang iyong ihahaing handa ay laitin nila ng palihim.

LIBRA (Setyembre 24 – Oktubre 23) — Ang biyaya ay kusang darating ng hindi inaasahan. Ang dating nakaaway na kaibigan na ngayon ang magbibigay. In good vibes kayo ngayon dahil sa matagal na ring hindi nagkita at ikinagagalak niya na bigyan ka ng tulong. Mag-focus ka sa iyong mga pinagkakaabalahang gawain na maaaring pasukan ng biyaya. Gayunman, mag-focus ka rin sa iba pa at balansehin mo lamang ang mga ito para walang maiwan.

SCORPIO (Oktubre 24 – Nobyembre 22) — Hinay-hinay lang sa pagtutok sa isang programa o proyekto. Huwag mo itong solohin o akuin ang pagkilos. Pakilusin mo ang mga kasamahan mo dahil maghihintay lamang sila na mapag-utusan. Huwag mong iipitin ang biyayang nasa iyo at sasabihing kailangan ito para sa kinabukasan. Sapagkat ngayon iyan kailangan at ang sinasabi mong kinabukasan ay siya na ngang ngayon ay kasalukuyan na dahil sa takbo ng panahon. Gamitin mo iyan sa pangangailangan ng pamilya.

SAGITTARIUS (Nobyembre 23 – Disyembre 21) — Kung hindi mo pa nasusubukan ang isang bagay, huwag ka munang magbigay ng konklusyon na hindi mapangyayari o walang mangyayari sa iyong gagawin o plano. Isantabi ang init ng ulo kung may nasusuungang aberya sa pagdaloy ng biyaya. May parating naman ay hintayin mo lang. Kung may utang sa iba, bayaran mo muna sila kapag dumating ang pera at huwag gastusin sa mga bagay na gusto mo. Sa gayun ay hindi ka masira at may magamit din silang pamadyak.

CAPRICORN (Disyembre 22 – Enero 19) — Maging sensitibo at maging maingat sa mga binibitiwang salita. Tandaan mong iba ka at ang pagsasalitaan mo ay dapat mong timbangin. Baka ang magandang mungkahi at suhestiyon para sa mga kulang sa pinag-aralan ay pakontra. Huwag n’yong i-topic sa inuman ang politika, relihiyon, babae at kasiraan ng iba. Alalahanin nyong may nakaririnig niyan sa tabi-tabi. Makabuluhang bagay ang pag-usapan n’yo at maging mahinahon sa pagsasalita.

AQUARIUS (Enero 20 – Pebrero 18) — Mali na gusto mo siya ay pinagseselos mo. Dahil ang layunin mo ay para malaman mo kung ano ang reaction niya. Pero ang totoo, inilalayo mo lang siya sa iyo at binibigyan ng kawalang pag-asa dahil iisipin niya na baka may mas matimbang pa pala sa iyong iba kaysa sa kanya. Iwasan mo ito kung gusto mong maging kayo sa mismong 2-14.

PISCES (Pebrero 19 – Marso 20) — Sukatan sa karamihan ng tao na ang basehan ng tagumpay sa buhay at sa mundong ito ay ang mga materyal na bagay. Kung wala kang alas para rito, makabubuting huminahon ka at manahimik. Ang mahalaga, walang sakit at mabigat na problema ang iyong pamilya. Sa katotohanan, habang dumarami ang ari-arian at dumarami rin ang problema. Kaya, huwag kang mainggit. ‘Yang wala sa iyo ngayon ay mapapasaiyo sa susunod na panahon.

ARIES (Marso 21 – Abril 19) — Hindi pa tapos ang laban mo. Kaya huwag mong isiping talunanka sa laban para mapagwagian o makuha ang kanyang pagmamahal. Ito’y sa kabila na mahigpit at matitikas ang iyong mga karibal. Baka nakakalamang ka pa nga kumpara sa iba. Alalahanin mong itong taong 2023 ay taon mo dahil isinilang sa taon ng Kuneho, kaya laban lang.

TAURUS (Abril 20 – Mayo 20) — Walang taong hindi nagdanas ng hirap ng kalooban. Lahat at nagdaraan sa ganyan, mahirap man o mayaman. Iniinda lamang iyan ng mga tang simple o mahirap lang. Pero, sa mayayaman, ang kayamanan para sa kanila ay mainam na kalusugan. Kaya, magpasalamat ka kung malusog ka kahit na kinakapos minsan.

GEMINI (Mayo 21 – Hunyo 21) — Ang mabuti at mainam na mungkahi ay iyong pakinggan at isabuhay. Huwag ang mapagkunwaring papuri. Pero sa bandang huli ay ipahahamak ka lamang. Kahit na matatapakan ang iyong pride, lunukin mo ito kaysa sa mabusog ka sa papuri ngunit mali naman o palpak ang resulta ng proyekto. Magiging maamo sa iyo ang salapi sa susunod na mga araw.

CANCER (Hunyo 22 – Hulyo 22)  — Karaniwan na sa isang tao ang maghigpit ng sinturon kapag napagtantong paubos na ang naitatabing pera sa pitaka. Kung dating makapal ito, ngayo’y manipis na at bilang mo na lamang ang laman. Iwasan mo ang sobrang matangay sa agos o pagiging galante o maalwan sa kahit sino. Limitahan ang pagbibigay dahil ang ibang nabigyan mo ay walang balak gumanti ng utang na loob sa iyo. Magbigay ka roon sa taong nagbibigay rin sa iyo. ‘Yan ang bagong batas ng kaugalian at buhay ngayon.

LEO (Hulyo 23 – Agosto 22)  — Tigilan mo na ang pagkukunwaring may karamdaman ka para matuon ang pansin sa iyo ng mga kaanak at kaibigan. Kung natatakot kang bumalikwas sila sa pagbibigay ng tulong at pag-aalaga sa iyo, nagkakamali ka. May nagawa ka naman noon na mabuti sa kanila at hindi nila kinakalimutan iyon. Ipaalam mo na magaling ka na at wala namang magbabago.