HOROSCOPE FEBRUARY 21, 2023

HOROSCOPE FEBRUARY 21, 2023

February 21, 2023 @ 7:00 AM 1 month ago


 

VIRGO (Agosto 23 – Setyembre 23) — Habang may buhay, may pag-asa. Kaya huwag kang titigil sa pag-asam ng mga bagay na nais mong makamtan. Basta, hindi imposible, iyo itong mapagtatagumpayan. Ang pagsisipag sa trabaho ay dagdagan pa upang makapagbigay ng magandang impresyon sa iyong pinagtatrabahuhan. Kahit baguhan ka pa lang ay baka taasan nila ang iyong suweldo.

LIBRA (Setyembre 24 – Oktubre 23) — Mainam na manahimik ka kung ikaw ay may biyaya o pera. Huwag kang magbabago ng kilos at pananalita. Manatiling mapagpakumbaba at huwag makipagtaasan ng ihi sa iba. Ikabubuti mo ang attitude na ito dahil hindi ka matatantiya ng iyong kapwa gaano kalalim ang iyong pagkatao.

SCORPIO (Oktubre 24 – Nobyembre 22) — Kung may binabalak kang isang proyekto, huwag ka nang magpatumpik-tumpik pa na isagawa ito. Mas maaga mo itong magagawa, mas malalaman mo agad ang resulta. Ang inaasam na pera sa isang transaksyon ay mapapasaiyo kung ipa-follow-up ito sa taong may hurisdiksiyon dito. Hindi naman masamana maging makulit sa pagtatanong.

SAGITTARIUS (Nobyembre 23 – Disyembre 21) — Masaya at masigla ka kapag may pamadyak o pera. Kaya, iwasan ang maging magastos masyado. Alam ng mga taong malapit sa iyo ang siste mo. Kaya, kabisado ka na nila. Kung kinakapos, huwag mahihiyang magsabi sa kanila dahil may respeto sila sa iyo at hinihintay lang nilang gawin mo iyon. Tumatanaw lang sila ng utang na loob sa kabutihang loob na nagawa mo noon sa kanila.

CAPRICORN (Disyembre 22 – Enero 19) — Bawas-bawasan ang pagiging mainitin ng ulo kapag wala sa mood o may rason ang pagtrigger ng galit. Nagpapahangal ito sa isang tao lalo na ang pagsigaw-sigaw kung galit. Nirerespeto ka nga ng harapan, subalit, minumura ka sa isipan ng iyong mga manggagawa. Lawakan ang pasensya at maging mahinahon. Sa gayun ay may matutunan sila sa iyong itinuturo at hindi inis ang iyong dulot.

AQUARIUS (Enero 20 – Pebrero 18) — Tama na ang motibo sa pagnenegosyo ay kumita. Pero, kung tubong demonyo naman ang layun mo gaya ng iba, huwag mo nang ituloy. Mas uunlad ka at tatangkilin kung tamang timbangan ang iyong gagamitin o walang daya. Galit ang Diyos sa mga mandaraya. Hindi naman masama ang maghangad ng malaking tubo basta makabawi lang sa iyong puhunan at may maisubi kahit papaano.

PISCES (Pebrero 19 – Marso 20) — Huwag sarilinin ang problema. Para kang bombang sasabog kapag hindi mo iyan nailabas o naibulalas. Lumapit at manalangin sa Maykapal. Huwag mong isiping walang lunas ang iyong karamdaman. Dahil ang totoo, may himala nga sa buhay mo. Sa kabila ng iyong kalagayan, nakalalakad ka pa at masigla. Kaya, gagaling ka pa.

ARIES (Marso 21 – Abril 19) — Huwag kang mag-alala, mapapansin ka niya kahit hindi ka naman nagpapansin. Lucky day mo kasi ngayon. Gayunman, hinay-hinay lang at baka mapasubo ka. Baka kapag pumayag ka sa yaya ng crush mo na magmeryenda kayo, baka maubusan ka ng pera. Dagdagan pa ang pang-unawa sa isang kasamahan na makitid ang isip.

TAURUS (Abril 20 – Mayo 20) — Ang bata n’yo pa para magseryoso sa relationship. Huwag kang papayag na inutusan ka lang ng nanay mong bumili ng suka, na-inlove ka na. Huwag kang gumaya sa iba na napahamak dahil sa pagkahumaling. Mag-ipon ka habang nag-aaral ay nagwo-work. Sa gayun ay may ibubuga ka kapag panahon na ng pag-ibig.

GEMINI (Mayo 21 – Hunyo 21) — Ang pagdududa minsan ay nagbibigay ng indikasyon sa iyo na mag-ingat sa pakikisama. Sapagkat, hindi lahat ay dapat pagkatiwalaan. Nagkakatotoo rin minsan ang kutob. Ang paglilinis sa bahay ay mainam tuwing weekends. Gawin ito at may matutuklasan kang sorpresa na iyong ikatutuwa.

CANCER (Hunyo 22 – Hulyo 22)  — Huwag kang magsasasama minsan sa mga kaibigan mong adik sa window shopping. Baka matulad ka na rin sa kanila na bili rito, bili roon kahit hindi naman talaga kailangan. Tapos, ikaw pa ang peperwisyuhin dahil kapos na sila at ikaw ang mapipisil na utangan. Sumama ka sa mga taong adik sa trabaho at hanap ng hanap ng sideline.

LEO (Hulyo 23 – Agosto 22)  — Huwag kang magtataka kung mababa ang iyong kumpiyansa sa sarili. Kasi, alam mo kung saan ka lulugar. Makisama lamang sa mga taong ka-level mo. Huwag sa mga sosyal at baka magdilim ang paningin mo at mailibing mo sila ng buhay. Mas masarap makisama sa mga taong tanggapka kaysa sa isisiksik mo lang ang sarili mo sa mga taong hindi ka naman feel kasama.