HOROSCOPE FEBRUARY 25, 2023

HOROSCOPE FEBRUARY 25, 2023

February 25, 2023 @ 7:00 AM 1 month ago


 

VIRGO (Agosto 23 – Setyembre 23) — Isang call center agent ang magpapatibok ng iyong puso. Ito na ang simula ng paggising ng iyong natutulog na damdamin. Kaya lang, huwag ka muna basta-basta bibigay at baka mapuyat ka. Kahit na gusto mo siya ay magpakipot ka. Ang kagaya mo kasi ay parang ginto, kailangang paghirapan bago ibigay ang pagmamahal.

LIBRA (Setyembre 24 – Oktubre 23) — Bubuhos ang biyaya sa iyo. Pero, madali ring masasaid. Gayunman, magiging masaya ka dahil may mga napasaya kang tao at nakuha mo ang gusto at pangangailangan mo. Samakatuwid, sa may mga kapararakang bagay nauwi ang perang pinaghirapan mo. Maghintay sa panibagong biyayang paparating.

SCORPIO (Oktubre 24 – Nobyembre 22) — Mahalaga ang oras kaya pahalagahan mo ito. Kung ikaw ay may tiyagang maghintay sa kausap, huwag mong ipares ang ibang tao sa iyo. Sapagkat, ang iba ay mainipin at bugnutin sa paghihintay. Sasabihin nilang agahan, pero sila itong pahuli-huli. Kapag ganito, huwag kang makipagtransakyon sa kanila dahil oras mo naman ang sasayangin nila.

SAGITTARIUS (Nobyembre 23 – Disyembre 21) — Hindi magandang tingnan sa magkakamag-anak ang nagpapatasan ng ihi. Na ginagawang kompetisyon ang mga narating sa buhay. Magbubunga lang ito ng inggit at pagiging sakim sa pakinabang. Huwag kang makipagkarerahan sa kanila. Kung ano ang inihasik, ‘yun din naman ang iyong aanihin at maging masaya ka na ru’n. Mas panatag pa ang iyong isip, kaysa sa iba na nangangamba sa pagtulog sa gabi sa takot na masapawan ng iba.

CAPRICORN (Disyembre 22 – Enero 19) — Iwasan mo ang pagiging dominante. Na ang palagay sa sarili ay palaging tama at mali naman ang kanyang kapwa. Matutong gumalang sa opinyon at suhestiyon ng iba. Mapapansin sa iyong pinapasukan ang iyong kasipagan. Kaya, malamang na ikaw ay mailalagay sa mas mataaas ng posisyon.

AQUARIUS (Enero 20 – Pebrero 18) — Kung ililibre ka lang sa pagkain, huwag kang padalos-dalos sa pagdampot agad ng kakainin. Hintayin mo munang mauna ang manlilibre sa iyo bago ka kumain. Baka ang matira na lang sa kanya ay leeg ng manok at sa iyo ang hita at pitso. Huwag kang magre-request sa kanya kung ano gusto mong kainin. Baka mas mahal pa ang order mo sa oorderin niya. Hayaan mo siyang ang magkusang umorder ng para sa iyo para madalas ka nang ilibre.

PISCES (Pebrero 19 – Marso 20) — Palitan mo na ngayon ang password ng inyong wi-fi. ‘Yung crush mo kasi na pinagbigyan ng access dito ay pinagkalat sa mga friend niya ang password. Kaya, bumagal, tapos siya pa ang galit. Ang saya no! Sarap hampasin mo ng rosas na nakapalaman sa kaldero, joke! Iwasan ang magpuyat upang ‘di ka tanghaliin ng gising at mahuli sa eskuwela o sa work.

ARIES (Marso 21 – Abril 19) — Maging maingat ka sa pagbibitiw ng mga salita. Kahit kasi pabiro lang o wala kang intensyon na makasakit ng damdamin at baka gayun ang mangyari. Baka mamis-interpret ka ng mga taong hindi malawak ang pang-unawa at mga balat-sibuyas. Sinupin ang biyayang darating upang ‘di ka kapusin.

TAURUS (Abril 20 – Mayo 20) — Maraming pagkakaibigan ang nasira dahil sa tsismis at utang. Kaya, kung kaya mo namang maghigpit ng sinturon, kayanin mo. Kaysa sa mangutang ka sa isang taong madaldal. Na alam ng buong barangay kapag nautangan mo siya. Sa gayun ay hindi ka rin maperwisyo at hindi ka rin nila mautangan. Huwag kang malungkot dahil may panibagong transaksyon na paparating sa iyo.

GEMINI (Mayo 21 – Hunyo 21) — Gaya ng ulan, ang tampo ay nawawala gaya ng ulang tumila na. Kaya, kung wala pa siya sa hulog kausapin, huwag mo muna ng kulitin ang loves mo na makipagbati sa iyo. Ikaw kasi, kapag susundo ka, magdala ka ng payong na laging paalala-ala niya sa iyo kapag malakas ang ulan. Tubusin rin sa sanglaan ang dapat tubusin kapag nagkapera ka na.

CANCER (Hunyo 22 – Hulyo 22)  — Walang biyayang darating kung uugaliing humilata bawat araw. Hindi darating ang grasya kung aasa lang sa himala. Huwag mong gayahin ang mga amigo mo na kuntento na lang kung anong meron sila. Magsikap ka at magpakasipag sa iyong trabaho at hindi ka mauubusan ng grasya.

LEO (Hulyo 23 – Agosto 22)  — Huwag kang papayag na masisira ang araw mo nang dahil lang sa bahaw. Kung naubusan ka ng kanin kapag kakain ka na, para ano baga ang magsaing lang kahit saglit. Kaysa sa pairalin ang init ng ulo at maghagis ng kaldero. Baka makatama ka pa ng kapitbahay nyong kalbo. Kapag naluto na, ayos na at masarap ang ulam mo, solve ka na.