HOROSCOPE JANUARY 4, 2023

HOROSCOPE JANUARY 4, 2023

January 4, 2023 @ 7:00 AM 1 month ago


 

VIRGO (Agosto 23 – Setyembre 23) — Hindi man hinuhukay ang gabi ay lumalalim. Ganyan ang isang damdamin na kusang makararamdam ng sakit o pag-ibig. Kahit wala kang ginagawang hakbang ay kusa itong magbibigay ng mensahe sa iyong pinatutungkulan. Ang aksyon ay nagsasalita ika nga ng maraming mga kataga. Kusa ka niyang magugustuhan dahil sa magagandang katangiang nakikita niya sa iyo.

LIBRA (Setyembre 24 – Oktubre 23) — Huwag kang papayag na hawakan ka ng ibang tao sa leeg. Na akala nila ay hindi ka makatatayo sa sariling paa kung wala ang kanilang tulong. Magsikap ka at gawing motibasyon ang natatanggap mong masasakit na salita upang umangat sa buhay. Sapagkat, hindi habang panahon ay hawak ng tao ang kanyang kapalaran o magandang estado sa buhay. Lahat ay idadaan sa pagsubok. Sila ngayon, bukas ikaw naman ang nasa itaas.

SCORPIO (Oktubre 24 – Nobyembre 22) — Kung mabigat at sasama ang iyong loob sa ginagawa mong pagkukusa, huwag mo na itong gawin. Baka hindi ka pa makatulog ng mahimbing. Iwasan mong seryosohin ang nakikitang kapintasan ng iyong kapwa, lalo na sa loob ng tahanan. Mabubuwiset ka lang. Hayaan mong pulutin nila ang sarili nilang kalat.

SAGITTARIUS (Nobyembre 23 – Disyembre 21) — Ang pagmamalabis sa mga salita at pagiging eksagirado ay maaaring magdulot ng hindi maganda. Iwasan ito at mag-react lamang ayon satimbang ng mga pangyayari at pagkakataon. Baka hindi mo namamalayan, nakasasama ka na pala ng loob at iginigisa ang tao sa sarili nilang mantika.

CAPRICORN (Disyembre 22 – Enero 19) — Sikaping gawing maayos at tumpak ang trabaho kaysa sa umulit ka. Sayang kasi ang effort at oras. Makaiiwas ka rin sa negatibong maririnig sa iba. Iwasang sumama sa mga taong barubal kung kumilos at magtrabaho. Madadamay ka sa ginagawa nilang kapalpakan. Kung kaya mo rin lang at alam mong mas mainam pang ikaw gumawang mag-isa, ikaw na ang gumawa.

AQUARIUS (Enero 20 – Pebrero 18) — Huwag mong anyayahan ang isang taong nagiging palalo at maingay sa iyong tahanan kapag nakaiinom ng alak. Baka madamay at mapaaway ka pa sa kanyang kamangmangan at pagiging asal kanto. Piliin mong mabuti ang pakikisamahang mga kaibigan. Kung pakiramdam mong out-of-place ka sa iba, bumalikwas ka na, kaysa sa masaktan pa ang iyong amor at ego. Doon ka pumirmi sa mga taong nagpapahalaga sa iyo.

PISCES (Pebrero 19 – Marso 20) — Kagaya ng iyong zodiac sign, mainam ang negosyong pagtitinda ng isda sa talipapa. Tatangkilikin ito ng mga miron, lalo na kung ang timbangan ay walang daya. Huwag mong ilalabas o gagastusin ang pera kung labas ito sa iyong hurisdiksyon at interes. Maging matalino sa paggugol ng salapi.

ARIES (Marso 21 – Abril 19) — Huwag mong hayaang matengga ka ngayong kapapasok pa lang na bagong taon. Stay in focus at baka mawili ka sa bakasyon at makaumayan mong magbalik sigla sa trabaho. Tapusin mo rin ang mga naiwang tasks upang panibagong gawain naman ang pag-ukulan mo ng pansin.

TAURUS (Abril 20 – Mayo 20) — Okay lang na pagpantasyahan mo ang isang taong kursunada mo, na maging kayo. Magkakaroon ito ng reyalidad kung kikilos ka. Magsumikap ka na magkaroon ng malaking kinikita upang maakit mo siya sa iyong pagbabago. Siya na mismo ang kusang magpaparamdam sa iyo.

GEMINI (Mayo 21 – Hunyo 21) — Hindi uukol ang isang proyekto kung kulang pa sa kaalaman at kabatiran. Kailangang isagawa ito nang maayos at wasto. Kaya, kumalap muna ng karunungan bago sumabak sa puntirya mong proyekto. Para rin ito sa ikabubuti mo at ng mga tang involve rito. Iniiwas mo rin ang sarili mo sa kahihiyan at sa negatibong sasabihin ng ibang tao.

CANCER (Hunyo 22 – Hulyo 22)  — Sa lihim at sa hayag, may nakaaalam ng maling ginagawa ng iyong kaibigan. Bago pa siya mapahamak ay itama mo na siya at iligtas sa kahihiyan. Sa iyo siya makikinig dahil ang magiging payo at saway mo ay tila pulot at gatas sa kanyang pandinig. Gawin mo na ang iyong binabalak na proyekto upang maaga itong matapos.

LEO (Hulyo 23 – Agosto 22)  — Kung may hindi pagkakaunawaan sa loob ng tahanan, hindi dapat ito hayaang lumala. Ang may malawak na pang-unawa ang siyang dapat unang gumawa ng hakbang upang ilatag ang pakikipagkasundo. Hindi rin ito ang panahon upang suyuin ang isang taong balak mong hingan ng malaking pabor. Masasayang lang ang effort mo. Hayaan mo siyang kusang mag approach sa iyo tungkol sa iyong pinakikisuyo.