HOROSCOPE JUNE 15, 2022

HOROSCOPE JUNE 15, 2022

June 15, 2022 @ 7:00 AM 2 weeks ago


 

 

 

 

GEMINI (Mayo 21 – Hunyo 21) —  May pakinabang ‘yang malakas mong boses at natural na magsisisgaw kahit nagsasalita lang. Maaga kasing nagigising ang mga kapitbahay mo. ‘Yan na ang nagsisilbi nilang alarm clock. Isa pa, marami silang mapupulot na latest sa iyo. Kaya, hahatiran ka nila ng meryenda. Ginatan at bilo-bilo, suman at biko.

 

 

 

 

 

 

CANCER (Hunyo 22 – Hulyo 22)  Natalo ang Boston Celtics kaya ikaw ang maglalaba ng labahin n’yo sa bahay. Golden State kasi ang misis mo. ‘Di bale, may premyo ka naman mamayang gabi. May masahe ka saka kalamay ube. Payag na rin siyang magka-baby kayo. ‘Di ba, ang saya. Pero, huwag munang ganu’n. Kulang pa ang inyong ipon.

 

 

 

 

 

 

 

LEO (Hulyo 23 – Agosto 22)  May magandang resulta rin kung minsan ang pagiging boring mong kasama. Iwas sa hasel at hingi ng pabor. Iwas palibre rin ng pamasahe at meryenda. Walang maingay sa opisina kaya nakapagtatrabaho ka ng maayos. Ang boss mo lang saka bisor ang nakaaalam na super kalog ka pala.

 

 

 

 

 

 

 

VIRGO (Agosto 23 – Setyembre 23)  Kahit may face mask ka pa, kabisado ng ex mo ang karakas ng iyong pagmumukha. Kaya, mahuhuli ka niya na sumusulyap ka sa kanya at ganun din siya sa iyo. Alam mo, loves ka pa rin niya, kaya ngitian mo siya. Mapapansin ka niya ngayon dahil naalala niya ang utang mo sa kanya. ‘Di bale, may dahilan ka naman na ilibre mo siya na mauuwi sa date.

 

 

 

 

 

 

 

 

LIBRA (Setyembre 24 – Oktubre 23) Kakapusin ka ngayon dahil sa dami ng bayarin. Pero, agad ding darating ang biyaya. Magaan ang pakiramdam mo at ‘di balisa kasi sanay ka na. Magugulat ka sa isang sorpresang darating sa iyo at magandang balita.

 

 

 

 

 

 

 

SCORPIO (Oktubre 24 – Nobyembre 22) — Totoo ang sinabi ng beshy mo na malayo ang mararating mo. Aabot ng Mandaluyong. Biro niya lang ‘yun. Ikaw naman kasi, bago ka sumali sa isang talent search, alamin mo talaga ‘yung talent mo. ‘Di ka naman mahusay kumanta at sumayaw. Mahusay kang manggaya ng boses ng mga hayop. ‘Yun na lang ang gawin mo. Pasok ka pa.

 

 

 

 

 

 

 

SAGITTARIUS (Nobyembre 23 – Disyembre 21) Para maiwasan na tawagin kang Majinbu, bawas-bawasan mo ang pagkakakain, sister. Cute ka pa naman. Pero, huwag kang paaapekto sa mga naririnig mo. Ang totoo, inggit lang sila sa iyo dahil masasarap ang kinakain mo. Saka crush ka pa rin ng crush mo.

 

 

 

 

 

CAPRICORN (Disyembre 22 – Enero 19) — Kahit maliit man ang biyayang natatanggap, magpasalamat sa Diyos. Dahil sinusubukan ka lang Niya. Agad din namang lalaki ‘yan sa susunod na mga araw. Pagpapalain kang lalo kapag inuna mo Siya. Kaya, huwag kalilimutan ang espirituwal na obligasyon.

 

 

 

 

 

 

AQUARIUS (Enero 20 – Pebrero 18) — Lagi ka na lang tagasalo ng BFF mo. Masyado ka namang martir. Kapag kapos siya, ikaw ang magpapahiram. Kapag nasaktan siya, ikaw ang iniiyakan. Huwag mong hintayin ang sandali na pagsisisihan niya na hindi ka niya napansin o minahal. Pilitin mong agawin siya sa masamang pagkakataon. Sa bandang huli, mamahalin ka rin niya.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

PISCES (Pebrero 19 – Marso 20) Wala kang dapat ikahiya kung utal kang magsalita. Pero malinaw naman at naiintindihan. ‘Yun nga ang pamatay mo sa mga tsiks. Kasi parang slang kang magsalita kaya akala nila may lahi kang Afam. Isang napakagandang tsiks ang makikilala mo na isa ring utal. Pakiramdaman mo kung bagay kayo.

 

 

 

 

 

 

ARIES (Marso 21 – Abril 19) —  Laging talo ng maaga ang masipag. Kailangang taglay mo ang dalawang katangiang ito sa isang oportunidad na sasabakan mo. Ika nga, early bird catches the early worm. Sa gayun ay isa ka sa mapipili na sa isang proyekto.

 

 

 

 

 

 

 

 

TAURUS (Abril 20 – Mayo 20) — Ayaw mo nu’ng una sa aso, pero magbabago ang pananaw mo sa buhay. Dahil sa poo-poo ng asong alaga ng misis mo, walang sasakyang gustong pumarada sa tapat ng gate n’yo. Bahala na ang misis mong manglinis ng kalat. Susuwertihin ka rin ngayon. Ililibre ka ng kaibigan mo ng kape.