HOROSCOPE NOVEMBER 10, 2022

HOROSCOPE NOVEMBER 10, 2022

November 10, 2022 @ 7:00 AM 4 weeks ago


VIRGO (Agosto 23 – Setyembre 23) — Nakalalasing at nakakagayuma ang matamis na ngiti at kislap ng mata; na nagmumula sa isang taong kinahuhumalingan ng lahat.Baka simutin nito ang iyong pera at ibang ari-arian. Kaya, umiwas ka sa babaeng ipinagbibili ang kanyang dangal, pero walang natitirang respeto sa sarili at ibang tao. Makisama ka sa isang babaeng talagang iyong paghihirapang kunin ang loob at pag-ibig.

LIBRA (Setyembre 24 – Oktubre 23) — Kung ang ilan ay hindi sangayon sa iyong panukala at ang ilan ay minamanipula pa nga ito, huwag mo silang pakinggan at sila’y iyong iwasan. Sapagkat magiging tinik sila sa iyong buto at lalamunan. Kahit maganda ang iyong panukala ay palalabasin nilang ito’y walang kabuluhan. Ang ganitong uri ng tao ay latak at dapat mong pagtawanan sapagkat inggit at sapaw ang namamayani sa kanilang puso. Ituloy mo ang iyong proyekto at magtatagumpay ito sa tulong ng ibang tao na may bukas na isipan at gusto ng masayang pagbabago.

SCORPIO (Oktubre 24 – Nobyembre 22) — Kung alam mong hindi kasali sa usapan ng mga bago pa lang na kakilala, huwag kang magpakara o sasabat. Hayaan mo silang bigyan ka ng pagkakataong magsalita. Baka sinusubukan ka lang kung maepal o pabida ka. Kung makakapasa ka sa kanilang pamantayan, ikaw rin ay makikinabang sapagkat mapera at maiimpluwensiyang tao ang mga ito. Ang iyong magandang asal ay makakaimpluwensiya rin sa kanila at susundin nila ang iyong magiging payo.

SAGITTARIUS (Nobyembre 23 – Disyembre 21) — Huwag kang malito sa iyong ginagawa kahit ito’y patong-patong na. Nasa isipan lang ito at kailangan mo ng focus. Isa-isahin mo muna itong tapusin at huwag sabay-sabay. Makatutulong ang paggawa ng masaya sa bahay kasama ang ilang kaibigan at kaanak. Ang inaasahang pera sa susunod na mga araw ay darating pati na rin ang ayuda. Huwag kang matakot gumastos kung ito naman ay talagang kapaki-pakinabang sa loob ng inyong tahanan.

CAPRICORN (Disyembre 22 – Enero 19) — Ang pag-aalaga ng pets ay makatutulong upang mabilis na gumaling ang iyong anak kahit ito ay medyo hikain. Gagaling naman ito at hindi makaaaapekto ang balahibo ng aso o pusa. Maraming tao ang nag-aalaga nito kahit may hika pa sila. Iba ang kaaliwang magagawa nito sa inyong tahanan at pagpapalain pa ang inyong sambahayan dahil nagpakita kayo ng habag sa mga nilalang na kailangan din ng pagmamahal.

AQUARIUS (Enero 20 – Pebrero 18) — Ang motor o kotse ay transportasyon kung ituring, hindi ito pamporma upang patakbuhin ng matulin. Huwag kang gagaya sa iba at baka sa pagiging kaskasero’y baka makaladkad ka ng ten-wheeler na truck. Maging maingat dahil hindi mo hawak ang pagkakataon kapag ikaw ay nasa kalsada. Kung dumating na ang iyong pera, tubusin mo ang isinanglang singsing sa kasal. May basbas ito ng matrimonya at hindi dapat isinasangla.

PISCES (Pebrero 19 – Marso 20) — Hindi mawawala sa siklo ng buhay na talagang may kontrapilo ang bawat tao. Maiging kilatisin mo na ang taong ito bago pa makasagupa sa isang paligsahan. Sa gayun ay matiyak ang iyong panalo. Magsanay na habang maaga upang magkaroon ka ng adbantahe. Matulog ka sa bahay at huwag sa opisina, kaya nga iwasan na ang magpuyat kung may pasok. Makapupulot ka ng isang bagay na mag-uugnay sa iyo at sa isang tao tungkol sa inyong nakaraan.

ARIES (Marso 21 – Abril 19) — Ipagpaliban muna ang sa wari’y mo ay mahalagang lakad dahil hindi ito uubra. Sapagkat, mas mahalagang bagay ka na dapat intindihin sa isang miyembro ng iyong pamilya. Kung nararamdaman mong tila lumalayo na ang loob nila sa iyo, maiging mag-adjust ka. Mas mahalaga kasi sa kanila ang iyong presensiya at oras, kaysa sa mga pasalubong at regalo sa tuwing uuwi ka, pero paggising nila ay wala ka naman sa kanilang tabi.

TAURUS (Abril 20 – Mayo 20) — Ang biyayang dumarating sa iyo ng dahan-dahan ay iyong sinupin. Kung gagastos ka, tiyaking mahalaga talaga sa iyo at tiyak na pakikinabangan mo. Hindi ‘yung nagtatapon ka ng pera tapos manghihinayang ka sa bandang huli. Maglaan at maglagak ng pera’t budget sa bawat gastusin at bayarin sa bahay at sa iba pang aspekto. Sa gayun, pagdating ni due date ay wala ka nang intindihin at payapa na ang isip mo.

GEMINI (Mayo 21 – Hunyo 21) — Ang iyong pagbabalik-tanaw sa mga masasayang alaala at magagandang bagay na nagawa ang siyang mag-uudyok sa iyo na gawin ang isang proyekto. Na ito’y may kinalaman sa musika at sining. Labis itong makapagbibigay sa iyo ng saya at kakaibang lakas ng puso’t isipan. May bagong pag-ibig na darating sa iyo sa oras na hindi mo inaasahan. Na ito ay labis mong ikagugulat dahil masasabi mo na lang na; ‘Sa wakas, ay nagkamali rin muli sa akin’.

CANCER (Hunyo 22 – Hulyo 22)  — Hindi na mahalaga sa iyo sa araw na ito kung ano ang meron kang pinanghahawakan. Gipit man o hindi, malungkot man o masaya. Ang mahalaga ay kasama mo siya at nandyan siya sa iyong tabi. Ang taong nagbibigay sa iyo ng lakas, inspirasyon at nagpapadama ng wagas na pag-ibig. Sapagkat ang mga bagay na nahahawakan ay agad ding bumabalik at nakukuha. Kaysa sa panahon at effort ng taong labis mong pinahahalagahan.

LEO (Hulyo 23 – Agosto 22)  — Wala magagawa sa iyo ngayon ang tsismis at pagkukunwari ng ibang tao. Manapa’y para lang itong ulan na pumapatak sa maruming kanal at hindi sa latian. Kaya nga, panatilihin mo ang pag-iwas sa usapang walang kabuluhan at paggawa ng mga bagay na binabantayan sa iyo ng mga Marites. Sa halip maging abala at focus ka sa iyong work at mag-ipon ng pera. Dahil ang iyong pananagana at sampal sa kanilang pagmumukha.