HOROSCOPE NOVEMBER 15, 2022

HOROSCOPE NOVEMBER 15, 2022

November 15, 2022 @ 7:00 AM 2 weeks ago


VIRGO (Agosto 23 – Setyembre 23) — Makakasalubong mo sa mall ang dating kakilala na nakalimot magbayad ng atraso niya sa pinahuhulugan mong item. Huwag mo siyang iskandaluhin at gulatin. Huwag kang mag-alala at gagawa siya ng magandang bagay sa araw na ito. Bukod sa babayaran ka na ‘e ililibre ka pa.

LIBRA (Setyembre 24 – Oktubre 23) — Magiging masaya at magiging excited ka sa bagong oportunidad na ipagkakaloob sa iyo ng isang tapat na kaibigan. Ito ang kaibigang hindi nakalilimot lalo na sa oras ng kagipitan. Kaya, papasok sa iyo ang malaking biyaya dahil sa ibibigay niyang proyekto. Pagbutihin ang task na ipinagkaloob sa iyo upang ipakitang ikaw ay karapat-dapat na pagkatiwalaan.

SCORPIO (Oktubre 24 – Nobyembre 22) — Kung masama pa ang iyong pakiramdam, huwag mo munang piliting pumasok sa trabaho.Ipahinga ito upang hindi na lumala. Makabubuting magpatingin sa doktor kung bakit iikot-ikot ang paningin mo. Huwag kang mag-alala, wala ka namang malubhang sakit. Baka nasobrahan ka lang sa puyat sa kaka-mobile legends. Dadalawin ka sa haybol ng boss nyo kaya ipaghanda siya ng masarap na mechado na kanyang paborito.

SAGITTARIUS (Nobyembre 23 – Disyembre 21) — Ang kagaya mo’y parang isang ginto at mamahaling bato.Kaya, panatilihin ang iyong magandang pag-uugali. Mas pinakinang pa ang pagkatao mo, dahil bukod sa may maganda ka nang anyo ay maganda pa ang asal mo.Kaya, marami ang natutuwa sa iyo. Isang bagong kakilala ang magkakaroon ng papel sa iyong puso. Kaya, huwag mo nang patulugin ito. Buksan mo.

CAPRICORN (Disyembre 22 – Enero 19) — Magbubunga ng magandang kapalaran ang iyong kasipagan. Kahit pagod ka ay balewala ito basta makita mo lang masaya ka sa iyong pinaghirapan. Ang taong kinaiinisan mo nitong mga nagdaang mga araw ay siya pa palang maaasahan mo’t makatutuwang sa iyong tinatapos sa gawain. Kaya, magiging malapit ka sa kanya at magiging magkaibigan.

AQUARIUS (Enero 20 – Pebrero 18) — Kung hindi pala kaibigan ang turing mo sa iyong friend, aba’y sarili mo’y huwag mong pahirapan. Ipakita mo na mahalaga siya sa iyo at ipadama mo ang iyong pagmamahal. Kung hindi mo na kayang tiisin ang nakatagong lihim na pagtingin, makabubuting ito’y iyong sabihin. Sabihin mong, ‘natatae na ako, este, friend, ika’y aking iniibig’. Malay mo, bigyan ka niya ng pera huwag mo lang siyang kulitin, ah…este, baka ika’y mahal niya rin.

PISCES (Pebrero 19 – Marso 20) — Walang magagawang maganda ang sobrang kaba kapag ika’y may nilalatag na presentasyon. Nakawawala iyan ng kumpiyansa para pagkatiwalaan ka ng mga kliyente. Maging confident ka at relaks. Ang inaakala mong pangit sa iyong paningin ay maganda pala sa iba. Kaya, ipakita ang natural na ikaw, ipakitang ikaw si Sisa, ah… ikaw ay may kumpiyansa at makoklus nyo ang deal.

ARIES (Marso 21 – Abril 19) — Papabor sa iyo ang kapalaran kahit ayaw ito ng iba. Nakapihit na ang tambiyulo ng suwerte sa iyo. Kung ikaw ay nasa ibaba noon, ikaw naman ang nasa itaas ngayon. Isang kaibigan ang hihingi sa iyo ng pabor na iyo namang pagbibigyan. Makababawi siya sa iyo lalo na sa larangan ng pinansiyal.

TAURUS (Abril 20 – Mayo 20) — Kung talagang para kayo sa isa’t-isa, walang makahahadlang kahit na sino. Kayo pa rin sa bandang huli. Kaya, iwaksi sa inyong isipan ang negatibong mga bagay at salik na makaaapekto sa inyong pagsasama. Hindi rin huli para ihabol ang isang magandang proposal sa inyong boss kaugnay sa nilalakad na proyekto. Iprisenta ito at baka ito pa ang magustuhan.

GEMINI (Mayo 21 – Hunyo 21) — Kung dating nakikiangkas ka lang, ngayon ikaw na ang magmamaneho. Ganyan kalakas ang iyong charm. Didikit ang iba sa iyo upang maging in sila sa iba. Kaya lang, mag-ingat at baka magamit lang ng ibang tao ang iyong impluwensiya at gamitin sa kalokohan. Mananalo sa isang paligsahan kung maaga pa lang ay iyo na itong paghahandaan.

CANCER (Hunyo 22 – Hulyo 22)  — Hindi ka kagya ng iba na suwerte sa pagtaya sa lotto. Kaya, huwag mo nang ipilit na tumaya rito at umasang mananalo. Ang iyong suwerte ay sa pagnenegosyo na may kinalaman sa butil at pagkain. Magaling ka rin naman sa salestalk, bakit hindi mo ito gamitin? Laway lang ang puhunan mo ay siguradong magiging paldo ka kung sasamahan ng sipag.

LEO (Hulyo 23 – Agosto 22)  — Ang kasambahay ay hindi alipin o mutsasa. Kaya nga katuwang o katulong. Katuwang mo lang siya sa paghahanda at pagsasabi kung ano ang gagawin. Pero, ikaw ang dapat na manguna. Kaya maging mabait sa kanila at magiging tapat sila sa iyo. Kung nakadarama ka ng matinding pagod at labis na nag-iisip, ipahinga ang iyong katawan at magrelaks paminsan-minsan. Hindi naman masama ang magsaya basta huwag lang masyadong garapal.