HOROSCOPE NOVEMBER 23, 2022

HOROSCOPE NOVEMBER 23, 2022

November 23, 2022 @ 7:00 AM 2 months ago


 

VIRGO (Agosto 23 – Setyembre 23) — Kung may nalalaman kang lihim o intriga, huwag ka nang humalo sa usapan ng mga Marites. Sa gayun ay hindi gumulo ang buhay mo at sumakit ang ulo sa problema. Huwag nang ikabigla ang paglapit ng isang kaibigan na manghihingi sa iyo ng payo at tulong pinansiyal. Huwag siyang biguin kung talagang mayroon ka namang maibibigay sa kanya. Ang langit na ang magbabayad sa iyong kagandahang loob.

LIBRA (Setyembre 24 – Oktubre 23) — Magdududa ka sa pangako ng iyong kaibigan dahil mararamdaman mong tila wala siyang isang salita. Sinabi niyang sagot ka niya, pero, biglang kabig na isasangguni niya muna sa isa pang kaibigan kung isasama ka sa isang proyekto. Mahirap umasa sa kapwa kung ito ay maliit ang tingin sa iyo. Lumakad ka ng sarili para wala silang masabi sa iyo. At kapag nagtagumpay ka, hindi nila masasabi na nakarating mo ang kinalalagyan mo nang dahil sa kanila.

SCORPIO (Oktubre 24 – Nobyembre 22) — Magtatagumpay ang iyong binabalak kung gagawin mo na agad ito sa lalong madaling panahon. Kaya, huwag nang ibitin at mag-atubili lalo na’t may kakayahan kang gawin naman ito agad. Kapag sinakyan mo ang utos ng kapalaran sa iyong budhi, hindi imposibleng ikaw ay aasenso sa bayan mong kinalalagyan. Itutulak ka rin ng iyong sarili na gawin ang mga bagay na hindi mo ginagawa.

SAGITTARIUS (Nobyembre 23 – Disyembre 21) — Kung nakararamdam ka ng pagod mula sa paggagawa, mainam na magpahinga o umidlip sandali. Sapagkat inuutusan ng iyong katawan ang iyong sistema na magpahinga kung ikaw ay pagod at inaantok. Mas maganda ang magiging kayarian o resulta ng isang gawain o trabaho kung ito ay dinadahan-dahan at ginawa ng tama at maayos. Kaysa sa nagmamadali o bara-bara gaya ng iba na ang layun ay magpasikat lamang sa boss n’yo.

CAPRICORN (Disyembre 22 – Enero 19) — Kung may hawak kang malaking salapi ngayon dahil sa biyayang natanggap, unahin mong bilhin ang mahalagang bagay. Huwag ang mga bagay na nakikiayon lang sa uso o luho. At pagdaka’y madali mong pagsasawaan at isasantabi mo lang. Mag-ingat sa mga taong nagtatanong kung ano ang iyong opinyon o masasabi sa taong hinalimbawa o naging topic sa usapan. Baka bitag ito sa iyo at ikaw naman ang gawin niyang halimbawa kapag kausap niya ang ibang tao. Hangga’t maaari ay iwasan mo sila.

AQUARIUS (Enero 20 – Pebrero 18) — Kung may hindi kayo napagkakasunduan o pinagkakaunawaan ng iyong kasuyo tungkol sa pinansiyal, makabubuting patapusin mo siya sa kanyang pagbibigay ng opinyon o suhestiyon. Para hindi mabigat ang pagdadala ng responsibilidad. Maiging tumulong ka kung ikaw ay may hanapbuhay naman. Kung maaari ay sagot mo na ang bayad sa tubig at siya naman sa ilaw. Tapos, share kayo sa budget sa pagkain.

PISCES (Pebrero 19 – Marso 20) —  Kung ikaw ay sasali sa isang patimpalak, tutal na du’n ka na, sikapin mong ibuhos ang iyong makakaya. Sa gayun ay manalo at magtagumpay ka. Bukod sa makapagbibigay ka na ng karangalan sa inyong pamayanan, eskuwelahan at pamilya; magkakapera ka pa. Ang pagkakaroon ng raket ngayong holiday season ay mainam. Sa gayun ay mabili mo ang mga bagay na gusto mo na hindi mo nagagalaw ang iyong ipon o savings.

ARIES (Marso 21 – Abril 19) — Hindi totoo na hindi ka niya gusto. Nagpapakipot lang siya at gusto lang niyang makatiyak na hindi mo siya binobola. Kaya, huwag kang susuko sa panunuyo sa kanya kung talagang mahal na mahal mo siya. Ang perang paparating ay iyo munang isubi at huwag ipagsabi sa iba. Hindi na kailangang ipangalandakan kung magkano ang iyong matatanggap. Ang pagiging tahimik ay isang mabisang sandata upang maging payapa ang iyong buhay.

TAURUS (Abril 20 – Mayo 20) — Kung balak mong mag-alaga ng manukan o baboy sa loob ng inyong bakuran, gawin mo kung ito ay mapagpapasaya sa iyo. Bukod pa sa dagdag na pagkakakitaan. Siguraduhin mo lang na walang mapeperwisyong kapitbahay. Maging malinis sa pagpapatakbo nito. Kailangan mong kausapin ang isang taong biglang hindi pinapansin gayung magkasama kayo sa trabaho. Baka may nagawa siyang mali o ikaw nang hindi mo nalalaman.

GEMINI (Mayo 21 – Hunyo 21) —Napapanahon ngayon ang iyong binabalak na negosyo. Kung baga sa bunga, pwede nang pitasin. Kaya, tatangkilikin ito ng mga parokyano lalo na’t kakaibang putahe at produkto ang iyong ilalatag. Kung alam mong kaya mong gawin ang isang bagay na hindi gamay ng iba, magpresenta ka ng palihim. Sa gayun ay hindi ka lalabas na epal. Sa gayun ay maging matagumpay ang proyekto sa inyong komunidad.

CANCER (Hunyo 22 – Hulyo 22)  — Ang pagbabalik-tanaw minsan sa nakalipas ay makatutulong upang mapagbulay-bulay mo ang gagawin sa hinaharap. Kung may mali, iyong itama. Kung tama naman, gawin mong mali, este, lalo pang pagbutihin ang paggawa nito. Mapagtatanto mo rin kung sino ang kaibigang tunay at hindi. Ang pagkakamali sa isang bagay na sinikap mo namang gawing tama ay makatutulong para matuto.

LEO (Hulyo 23 – Agosto 22)  — Ang pera ay isang mabuting kaibigan sa oras ng kagipitan. Huwag mong ipitin o tikisin kung ikaw ay talagang nangangailangan. Gamitin ang pera sa kanyang kaukulan. May pera ka naman ba’t tinitiis mo ang iyong sarili? Ang iba ay nangungutang pa, may pera namang nakatabi, pero ayaw galawin. Huwag kang tumulad sa kanila. Kapag nagtampo ang konsensiya ng pera, kusa itong lilipad sa pamamagitan ng hindi biglang gastos sa hindi inaasahang karamdaman.