HOROSCOPE NOVEMBER 24, 2022

HOROSCOPE NOVEMBER 24, 2022

November 24, 2022 @ 7:00 AM 2 months ago


 

VIRGO (Agosto 23 – Setyembre 23) — Iwasan nang magpaligoy-ligoy pa sa pagtuturo ng kaalaman. Irekta mo na ito sa iyong tuturuan sa seminar. Baka kapag ginawa mo ang una ay wala silang matututunan. Kaunting tiyaga lang sa iyong nililigawan. Mahal ka niya pero ‘di lang pinahahalata sa iyo. Sasagutin ka niya pagkalipas ng 70 kabilugan ng buwan o full moon nab baka tumapat sa buwan ng pag-ibig. Kung maraming offer sa iyo para gawin ang isang proyekto, piliin mo ang offer kung saan sa pakiramdam mo ay magiging masaya ka at ang taong pakikisamahan mo.

LIBRA (Setyembre 24 – Oktubre 23) — Umambon man ng kamalasan, babagyuhin ka naman ng suwerte sa mga susunod na araw. Sadyang ganyang ang buhay. Kailangang lumaban ka ng patas. Ikaw ang taong hindi naman gumagapas sa hindi mo hinasikan. Na kahit walang-wala ka na ay nakukuha mo pang magtiis at hindi humingi o mag-voice-out. ‘Yan ang hindi kaya ng iba, kaya akala nila okay ka lang. Darating ang pera sa iyo sa huling linggo ng buwang ito na labis na magbibigay sa iyo ng galak at saya.

SCORPIO (Oktubre 24 – Nobyembre 22) — Huwag mong problemahin ang hindi naman dapat pinoproblema. Lalo na ang problema ng ibang tao. Para ka lang kumuha ng bato at ipinukpok sa iyong mga kuko. Kung humihingi sila ng tulong upang solusyunan ito, tumulong ka ng pahapyaw. Ngunit, huwag kang gagarantiya na isa ka sa magbabayad ng utang. Matatanggap mo na ang bonus n’yo sa susunod na linggo nang hindi n’yo inaasahan sa trabaho.

SAGITTARIUS (Nobyembre 23 – Disyembre 21) — Ang sorpresang para sa iyo ay matatanggap mo sa mismong araw ng iyong kaarawan; na mula sa kaanak at malalapit na kaibigan. Ito ay kagustuhan nilang ipagkaloob sa iyo dahil sa ika’y kanilang nirerespeto. Ang panaka-nakang iniindang pananakit sa isang bahagi ng katawan ay huwag ikabahala. Ito ay dulot lamang ng matinding pagod at kailangan ng mahaba-habang pahinga.

CAPRICORN (Disyembre 22 – Enero 19) — Mabibigyan ka ng hati sa komisyon mula sa matagumpay na transaksyon ng iyong kaibigan. Nakatulong ka rin naman sa kanya dahil ikaw ang nagpakilala sa kanya sa taong may kaugnayan sa kanyang transaksyon. Ilaan ang kikitaing pera sa mahalagang bagay. Kung nais mong malaki ang bahagi sa aspektong espirituwal. Mas mainam upang lalo ka pang bigyan ng biyaya ng langit.

AQUARIUS (Enero 20 – Pebrero 18) — Mag-ingat ka sa isang malapit mong kaibigan. Kasi, hindi lang kaibigan ang turing niya sa iyo. Kundi, mayroon siyang lihim na pagtatangi sa iyo. Bagama’t may pinagkakasunduan kayong bagay, opinyon at pananaw sa buhay sa maraming pagkatataon, hindi maaaring maging kayo dahil pag-aari ka na ng iba. Makabubuting ang minsang pag-iwas lalo na’t kayong dalawa lang ang magkasama. Baka makalimot ka. Ang lubid na nag-uugnay sa inyo ay bilang kasosyo mo siya sa small business. Pero, limitahan ang pagkakataong madalas kayong nag-uusap.

PISCES (Pebrero 19 – Marso 20) — Masisira ang araw mo ngayon kahit pagabi na. Hindi sa alahera, hindi sa konduktora. Kundi sa isang taong kadalasa’y tila inaasar ka. Kung kelan ikaw na ang bibili ng hot pandesal, sa umaga man, hapon o sa gabi, sasabihin sa iyo na wala na. O kaya, nakasalang. Pero pagbalik mo, ubos na. Ayaw ka naman i-reserve ng pandesal. Gayunman, mabubuo naman ang araw mo sa susunod na araw dahil madudulas siya sa salita.

ARIES (Marso 21 – Abril 19) — Pag-ingatang sumabog ang iyong galit ngayong araw dahil sa isang masamang balita. Baka kasi mahulog ka sa pain ng mga taong malapit sa iyo. Baka pina-prank ka lang nila, kaya huwag kang basta mapipikon. Baka ang isang matamis na sorpresa ay maging mapait na disaster. Ingatan mo ring huwag ipagsabi sa iba kung magkano ang natanggap mong bunos bilang isang titser.

TAURUS (Abril 20 – Mayo 20) — Hinay-hinay lang sa pagsusunog ng kilay. Ang labis na pagtuklas ng kaalaman ng wala sa lugar ay nakakasira ng buto. Samakatuwid, magkakasakit ka dahil sa puyat. Pag-aralan lamang ang isang bagay nang naaayon sa hinihingi ng pagkakataon. Sa gayun ay may panahon kang gawin ang ibang bagay na marerelaks naman ang iyong katawan at isipan.

GEMINI (Mayo 21 – Hunyo 21) — Huwag kang maniniwala sa sinasabi ng iba na hanggang sa ilalim ka na lang. Hindi nila hawak ang siklo ng buhay. Na kada 4 hanggang ika-7 taon ay nagbabago ang kapalaran ng isang tao. Kahit kontroplado pa ay mawawala rin sa manibela. Nasa ibaba ka ngayon, sa susunod na araw ay nasa itaas ka na. Magkakaroon ng bagong oportunidad upang maipahayag ang sentimento sa isang pinasukang transaksyon.

CANCER (Hunyo 22 – Hulyo 22)  — Kung minsan, ang mga taong mas malapit sa iyo ay siya pang ayaw sumuporta sa adhikain mo, lalo na ang pagnanais umangat sa social media. Kundi, ibang tao pa ang tutulong sa iyo, lalo na ang mga basher. Huwag mo silang patulan, bagkus pasalamatan mo sila dahil pinag-aaksayan ka nila ng panahon. Hanggang keyboard warrior lang sila. Pero, tameme naman yan at wala silang paki sa kabuuan ng iyong buhay.

LEO (Hulyo 23 – Agosto 22)  — Kung meron kang pera at nais mong tumulong sa isang taong gipit, gawin mo ang tamang asal. Gawin ito ng lihim at kaaya-aya sa paningin ng langit. Huwag mo siyang aabutan ng pera sa harap ng maraming tao at sasabihing utang iyon. Kundi, abutan mo siya sa lugar na kayong dalawa lang. Kung may tao man sa paligid, iabot mo ang pera sa kanya na nakabalot sa isang bagay na walang kabulahan sa mata ng tao.