HOROSCOPE OCTOBER 12, 2022

HOROSCOPE OCTOBER 12, 2022

October 12, 2022 @ 7:00 AM 2 months ago


VIRGO (Agosto 23 – Setyembre 23) — Pasensiya ka na ngayon, dahil sa dinami-rami ng mga taong magkakagusto at magkakamali, ang isang taong amoy-sibuyas at bulalo pa ang magmamahal sa iyo. Huwag mo muna siyang husgahan dahil nababago naman ang kasiraan ng isang tao sa katawan. Ang isipin mo ay ang maganda mong kinabukasan. Sipagan pang lalo ang paghahanapbuhay upang mapaligaya ang iyong sarili at ang mga mahal sa buhay.

LIBRA (Setyembre 24 – Oktubre 23) — Kapos ka naman pero parang hindi ka nauubusan ng pera. Ito ay dahil sa pagiging masinop mo sa pera. Ang mga barya na walang halaga para sa iba ay iyong itinatabi. Nagsama-sama na ito at malaki na ang naipong halaga. Isang pangako ng kaibigan sa iyo ang magkakaroon ng katuparan sa larangan ng musika. Ipagpatuloy mo rin ang ipinagpalibang proyekto patungkol sa pagsusulat at maghahatid ito sa iyo ng biyaya.

SCORPIO (Oktubre 24 – Nobyembre 22) — Dumaraan ang panahon na tila wala nang epekto sa iyong negatibong kaisipan. Kaya, iwaksi mo na ang pagiging hindi optimistiko at maging positibo sa buhay dahil magbubunga ito ng tagumpay. Kaya mabuti o hindi maganda ang natatanggap na balita, huwag mong baguhin ang iyong natural na reaksyon. Sa gayun ay hindi ka matantiya at walang mapupulot ang iyong kapwa sa kalagayan mo. Ito ay magsisilbi mong lakas dahil wala silang maitsitsismis patungkol sa iyo.

SAGITTARIUS (Nobyembre 23 – Disyembre 21) — May paparating na bagong proyekto na pagkakaabalahan mo sa susunod na araw. Gayunman, hinay-hinay lang sa pagpili ng mga taong isasama rito. Dahil baka ipahamak ka ng mga maling paggawa nila. Piliin mo ang mga taong may kasanayan at may sentido kumon gaya mo. Para walang maging problema sa pagsasagawa nito. Pasasayahin ka rin ng mga kaibigan mong sorpresang dadalaw sa iyo ngayong araw na ito.

CAPRICORN (Disyembre 22 – Enero 19) — Hindi mo na maibabalik ang mga nakaraan kagaya ng isang bagay na nabasag at tiwalang nasira. Huwag kang papayag na habang panahon ay alipinin ka ng poot at paninibugho at ng isipang makapaghiganti. Hayaan mong ang langit ang gumawa nito para sa iyo. Lagapak ka man noon, ibibigay na niya ang pagkakataong makapagpapasaya sa iyo. Sapagkat, nakita ng Diyos ang iyong kaabahan at kaapihan at nagpasya na siyang iangat ka dahil ayaw ka na niyang nakikita habang panahon na nahihirapan.

AQUARIUS (Enero 20 – Pebrero 18) — Madali kang mahatak ng kislap ng kanyang mga mata at ngiti. Gayunman, mag-ingat kang huwag mahulog ng lubusan sa kanyang gayuma. Sapagkat, baka sa sobra mong pagkahumaling ay baka masaktan ka sa bandang huli. May tamang panahon para sa tamang pag-ibig. Hanapin mo ang mga bagay na makapagpapasaya sa iyo nang hindi makasisira sa iyong pag-aaral. Ibigay mo ang para sa mga magulang mo at pagbibigyan nila ang iyong nais.

PISCES (Pebrero 19 – Marso 20) — Kahit na wala na ka-yong dalawa, ang gusto niya ay huwag ka pa ring umalis. Na para bagang kahit hindi wala ka na sa jurisdiction niya ay sinasakal ka pa. Tanda ito na mahal ka pa rin niya hanggang ngayon. Kung nakikita mo siyang nahihirapan, huwag kang papayag lalo na’t may pitak pa rin siya sa puso mo. Pagbigyan nyong muli ang isa’t-isa. Huwag kayong bibitaw sa isa’t isa dahil baka pagsisihan nyo yan sa huli.

ARIES (Marso 21 – Abril 19) — Akala ng iba, ang pera talaga ang nagpapatakbo sa sistema dito sa mundo. Tama naman, yan at sa pangmalas ng mga sakim at mga mangmang. Yan ang kanilang prinsipyo na nakapagpapaligaya sa kanila. Pero, huwag kang yumakap sa ganitong ideyalismo. Pero, sa katotohanan, hindi lahat ng may pera ay masaya. Kundi balisa at natatakot pa nga. Ikaw ay magkakapera pero huwag kang pasisilaw pa sa kinang nito upang ‘di ka mapahamak. Kumilos ka at kumita sa malinis na paraan.

TAURUS (Abril 20 – Mayo 20) — Pag-aralan mong mabuti ang mga sitwasyon at iyong mga nagawa. Limiin mo at itama ang mga mali at ang mga tama naman ay ipagpatuloy mo. Pag-aralan mo rin kung bakit sa tingin mo ay lumalayo ang iba mong kaibigan sa iyo. Kung wala kang maling nagawa, sila ang may deperensiya at hindi ikaw. Malamang may nagawa silang kasalanan kaya ganun.

GEMINI (Mayo 21 – Hunyo 21) — Sikapin mong umuwi ng maaga sa bahay nyo, lalo na kapag payday. Sa gayun ay hindi ka outside de kulambo o sa labas matulog. Umuwi ng maaga para makasama ang misis mo sa hapunan at may bonus ka pang kiss at hug. Tipirin mo rin ang kinikitang pera at gastusin ito para sa lamang sa pamilya at huwag paglaanan ng budget ang mga tamad na barkada.

CANCER (Hunyo 22 – Hulyo 22)  — Huwag mong isisi sa gobyerno kung bakit magka-minsa’y malas ka sa buhay. Na wala ka ngayong trabaho. Hindi pa ito ang wakas ng diksunaryo ng buhay mo dahil may bagong kabanata ka pang susuungin. Mula sa bagsak na karera patungo sa tagumpay. Kumbaga sa wrestling, kontrabida ka nun, magiging bida ka naman ngayon. Tutulungan ka na niya sa iyong pagbabanat ng buto.

LEO (Hulyo 23 – Agosto 22)  — Huwag kang magtataka kung bakit sikat ka sa opisina. Kasi, mahusay kang makisama, masipag, matalino at malinis sa katawan. Mag-ingat ka lamang na makagawa ng isang pagkakamali, dahil sa isang tuldok lang na itim, mababalewala ang isang malapad na puting papel. Kaya, huwag kang masyadong magpakaperpekto kung may halo itong kaplastikan. Maging totoo ka sa kanila at magiging totoo rin sila sa iyo.