HOROSCOPE OCTOBER 24, 2022

HOROSCOPE OCTOBER 24, 2022

October 24, 2022 @ 7:00 AM 1 month ago


VIRGO (Agosto 23 – Setyembre 23) — Ang tao ay nabubuhay sa salitang respeto. Iyan ang pinangangalandakang alas ng iba para bigyan ng dahilan ang isang bagay o prinsipyo kahit mali na. Respetuhin sila dahil iyon daw ang nararapat para irespeto ka rin nila. Kaya mananatili sa kahangalan ang mga gayung tao. Inililigtas mo na nga ang buhay, sasabihan ka pang pakialamero. Umiwas ka sa ganyang tao. Pagbutihin ang ginagawang tungkulin at maging tapat sa lahat ng oras. May gantimpalang darating sa iyo sa lalong madaling panahon.

LIBRA (Setyembre 24 – Oktubre 23) — Likas sa mga tao na ikumpara ka sa iba. Sa gayun, ang ibang di gaanong nakaaangat ay magiging angat kapag inihambing sa iyo. Ang ‘di gaanong malakas ay lalakas at ang ‘di gaanong matalino at nagiging marunong. Pabayaan mo sila at lalabas lang silang mga hangal. Isang magandang balita ang matatanggap na may kinalaman sa trabaho. Kaya, ihanda na ang sarili at mapapasabak ka sa giyerang may kapalit na biyaya.

SCORPIO (Oktubre 24 – Nobyembre 22) — Nasa iyo na ang salapi, karangalan at katanyagan. Pero, hindi ka pa rin masaya. Kasi, hindi kayang bilhin ng salapi pabalik ang oras. May lungkot na nagkukubli sa isang ulap ng iyong puso. Kasi, kung kailan nagtagumpay ka na sa buhay, may mga mahalagang tao sa buhay mo ang nawala’t lumayo. May oras para sa pagpapatawad at makakamit mo ang tunay na kaligayahan. Igugol ang panahon at oras sa mga taong nagpapahalaga sa iyo.

SAGITTARIUS (Nobyembre 23 – Disyembre 21) —Paglaanan ng pansin ang nakabinbing gawain at proyekto. Huwag mo nang hintaying maalarma ka ng tawag-pansin para ipursige mong ipagpatuloy ito. Kumilos ng matured upang hindi na mapuna ng boss nyo. Ang aktibidad na isasagawa tuwing weekends na may kinalaman sa pagluluto at paghahalaman ay makatutulong upang sumigla at lumakas ang katawan.

CAPRICORN (Disyembre 22 – Enero 19) — Kahit anong pilit niya sa sarili niya na limutin ka, hindi niya pa rin magagawa. Kasi, iba ang idinidikta ng puso niya kaysa sa kanyang isip. Kung dadayain niya ang kanyang puso at sasalungatin ang isinisigaw nito, para itong lason at kamandag sa buong katawan. Hindi rin magiging maligaya ang ex mo. Nasa sa iyo kung muli kang kakagat sa iniaalok niya sa iyong mansanas o makipagbalikan.

AQUARIUS (Enero 20 – Pebrero 18) — Wala kang babalikan sa dati mong iniwanang pugad. Ito ay nasira na at tinangay ng malakas na hangin. May iba at bagong pintuan at bintanang magbubukas sa iyo para magkaroon kang muli ng trabaho. Doon mo ibuhos ang iyong angking husay at galing upang ika’y umunlad at umasenso. Huwag ka nang magparinig pa o magkuwento tungkol sa inalisan mo roon sa bago mong pinapasukan. Sa gayun ay hindi ka mahulog sa pain at kahangalan.

PISCES (Pebrero 19 – Marso 20) — Kung hindi ka pa kuntento sa isa o dalawang trabaho, dagdagan mo kung kaya ng katawan mo. Sa gayun ay makaagapay ito sa lumalaking gastusin at pangangailangan sa iyong sambahayan. Basta, nag-e-enjoy ka at ang iba mong trabaho ay sa bahay lang ginagawa, go ka lang. Huwag mong sanayin ang mga kaibigan mong kapag pumasok sa iyong bahay ay diretso halukay o magbubukas agad ng kaldero. Iyan ay tanda ng kawalang galang at kapalaluan.

ARIES (Marso 21 – Abril 19) — Huwag kang mag-alala, maaalala ka na ng ninong mong kuripot na hindi nagbigay sa iyo ng aguinaldo sa loob ng ilang taon. Gipit lang siya nun at ngayo’y nakabangon niya. Kakaibang regalo ang ipagkakaloob niya sa iyo. Bukod sa pera, isasama ka pa niyang magtrabaho sa ibang bansa. Sapagkat, ikaw ay mapagkakatiwalaang tao.

TAURUS (Abril 20 – Mayo 20) — Hindi maganda na umuulan na nga ay nagpapatugtog ka pa. Samakatuwid, hindi maganda sa isang tao na may problema na nga, aasarin mo pa. Ang pakikisama sa ibang tao ay gawin mo sa abot ng iyong makakaya, subalit may limitasyon. Hindi lahat ng kakilala mo ay mga kaibigan mo na. Masosolusyunan ang suliranin sa salapi kung magbebenta ka ng mga bagay na hindi mo naman kailangan na. Baka ang mga bagay na hindi mo pinapansin sa inyong bahay ay siyang maging tulay upang magkaroon ka ng biyaya.

GEMINI (Mayo 21 – Hunyo 21) — Magiging matigas ang iyong puso sa mga taong nagkasala sa iyo at hindi ganoon para sa iyo ang magpatawad agad-agad. May punto ka naman dito upang malaman nila namasyado kang nasaktan sa kanilang ginawa. Hindi masama na tanggihan mo ang alok nila o ibigay nila sa iyo para makipag-ayos. Sapat na ang mapatawad mo na sila. Pero, hindi ka rin masisisi kung bakit hindi ka makalimot dahil sa hirap na dinanas mo. Mag-focus ka sa trabaho at ika’y aasenso.

CANCER (Hunyo 22 – Hulyo 22)  — Kung nagtatampo sa iyo ang iyong kasintahan na alam mong nagawan mo siya ng mali o kasalanan, suyuin mo upang humupa agad ang kanyang galit. Kung siya’y nagtatampo ng walang dahilan, dalhin mo na sa mental, ah este mag-isip-isip ka. Baka gumagawa lang siya ng dahilan para mawalan ka na ng gana sa kanya. Medyo baliktad na kasi ang isip ng gayung tao. Ang gayung tao ay umaayaw na. Pero, kung sana’y ka na sa mga pakulo niya, walang problema kasi mahal mo ‘e.

LEO (Hulyo 23 – Agosto 22)  — Sikapin mong tuparin ang iyong pangako sa taong malaki ang pinagkakautangan mo ng loob. Kahit na ang anak mo ay dapat siyang gantihan ng kabutihan. Walang dahilan upang mapatid ang pakikipagtalastasan mo sa kanya lalo na’t modern na ang panahon ngayon. Hindi man siya humihingi ng tulong sa iyo, ikaw na ang magkusa. Sapagkat sa ganitong paraan ay mabibiyayaan siya sa pamamagitan mo. Huwag kang manghinayang sa pera. Maghinayang ka sa isang mabuting kaibigan na gaya ng mabuting Samaritano.