HOROSCOPE OCTOBER 7, 2022

HOROSCOPE OCTOBER 7, 2022

October 7, 2022 @ 7:00 AM 2 months ago


VIRGO (Agosto 23 – Setyembre 23) — Matuto kang magbigay kung ikaw ay binibigyan. Matuto kang magpatawad kung ikaw ay pinatatawad. Kung ikaw ay kinagigiliwan ay matuto ka ring pumuri sa magandang nagawa ng iyong kapwa. Kung ikaw ay nanalo sa lotto, magbigay ka ng balato. Bawat magandang bagay na nangyayari sa iyo ay suklian mo ng kabutihan ang iyong kapwa. Dahil patuloy kang pagpapalain sa iyong mabuting ginagawa.

LIBRA (Setyembre 24 – Oktubre 23) — Ang iyong pananahimik ay may mensahe na kahit hindi ka magsalita. Iisipan ng mga taong nasa paligid mo na wala ka nang pinagkakatiwalaang tao. Mas mainam ito kaysa sa tamang hinala ka lang. Sa gayun ay hindi ka basta-basta aabusuhin ng iba. Matatauhan ang mga taong may pagkakautang sa iyo at uudyukan sila na bayaran ka na.

SCORPIO (Oktubre 24 – Nobyembre 22) — Sisikat ka sa isang iglap kung iyan ay itatakda ng tadhana. Huwag kang papayag na sisikat ka lamang dahil sa kalokohan. Kagaya ng pagkain ng buhay na manok, bayawak at isang mangkok na sili. Mainam na sumikat ka sa paraang hindi pilit. Kundi iyong mala-blessing in disguise lang dahil mas maganda iyon. Kapag sumikat ka na, gamitin mo ang biyayang makakamit mo sa pagtulong sa kapus-palad.

SAGITTARIUS (Nobyembre 23 – Disyembre 21) — Hindi mainam na kapag sinisingil ka ng iyong pinagkakautangan ay magtatago ka. Kung may utang ka sa Bombay, lumabas ka. Makipag-usap ka lang. Pwede ka namang magbigay ng kahit kalahati lang o kung wala talaga, makiusap ka lang. Baka kasi sa katatago mo ‘e makalagpas sa iyo ang ayuda.

CAPRICORN (Disyembre 22 – Enero 19) — Hindi porke hindi mo sila bet ay magsasakitan-sakitan ka na lang. Pwede mo namang pakiharapan ng maayos ang mga suitor mong makulit sa bahay nyo. Kapag kaharap mo sila at ibinigay na sa iyo ang regalo, saka ka magdrama. At least, pinakiharapan mo sila. Ang makokolekta mong regalo mula sa kanila ay pwede mong ibigay sa mga inaanak mo o sa mga pamangkin, pinsan at kaibigan na may birthday.

AQUARIUS (Enero 20 – Pebrero 18) — Nang dahil lamang sa lapis, magbabago ang kapalaran ng buhay mo. Makikilala mo ang iyong mahal dahil sa isang insidente. Masasaksak ng pamangkin niyang kindergarten ang pamangkin mo ring kaklase nito ng lapis sa sapatos. Magsusumbong ito kaya sugod ka. Doon na magsisimula ang lahat. Huwag ka ring masyadong magkukuha ng pahulugan mula sa kaibigan mong magaling sa salestalk. Baka kapag dumating na ang iyong sahod ay daraan lang ito sa kamay mo.

PISCES (Pebrero 19 – Marso 20) — Kung makikipagchat ka, huwag kang magse-send ng message nang inaantok ka. Baka ma-wrong send ka. Baka ang masendan mo ng ‘I love you’ ay ang group leader sa paangat program n’yo para sa Small YouTubers. Patay kang bata ka! Pagyamanin mo at paunlarin ang iyong vlog na may kinalaman sa misteryo at kaalaman. Dahil kapupulutan ito ng aral. Mamo-monetise ka rin bago matapos ang taong ito o mas maaaga pa. Huwag padadala sa sub to sub at baka madale ka.

ARIES (Marso 21 – Abril 19) — Huwag mo nang balikan ang mapapait na karanasan noon. Mag-move-on ka na upang maging maayos na ang buhay mo. Pairalin mo rin ang iyong pagiging lider at pamunuan ang isang proyekto maging ito man ay sa trabaho o sa paaralan. Hindi baleng hindi agad matapos ang proyekto basta pulido ito at maayos, kaysa sa mabilis nga e may depekto naman.

TAURUS (Abril 20 – Mayo 20) — Walang masama sa pagiging mapili mo sa kaibigan. Tama ang maging choosy ka. Iba kasi ang kakilala o kasama lang kaysa sa kaibigan. Mapakikinabangan mo ang isang bagay na ibinigay sa iyo ng iyong mga magulang. Pag-ukulan mo rin ng pansin ang iyong kalusugan. Huwag masyadong magkakakain. Kapag oras ng pahinga, matulog ka at huwag nang gumawa ng bagay na makapagbibigay libangan sa iyo. May oras para sa paglilibang.

GEMINI (Mayo 21 – Hunyo 21) — Kapag nasa katuwiran ka, ipaglaban mo upang magawa ang tama. Hindi mabuti ang manahimik na lang dahil kakaya-kayanin ka lang ng mga taong nasa paligid mo. Kung may interes ka sa isang bagay na pag-aari ng iyong kapwa, daanin mo sa legal na paraan o diplomasya. Maaari mo itong bilhin sa kanya o makipagpalitan. Kung hindi papaya, huwag mong pilitin. Isang usapin sa transaksyon sa lupa ang kahaharapin na magbubunga ng mabuti at pakinabang.

CANCER (Hunyo 22 – Hulyo 22)  — Kung may sakit ka, huwag nang ipilit ang katawan na gawin ang bagay na wala namang ibinigay na deadline. Magpahinga ka upang ‘di ka mabinat. Uso ang trangkaso ngayon. Kung para sa iyo ang isang pag-ibig, para talaga sa iyo. Magiging masaya ka kung ang taong mamahalin mo ay talagang gusto mo, hindi iyong ninirereto ang sa iyo at kakagatin mo para makasabay ka sa uso. Mali iyon, intindye!

LEO (Hulyo 23 – Agosto 22)  — Hindi totoo na kapag humanap ka ng pangit at ibigin mong tunay ay liligaya ang iyong buhay. Iyon ay isa lamang kanta na ang pahiwatig ay hindi dapat tumingin ang isang taong magmamahal sa panlabas na anyo lamang. Kapag sinunod mo yan, kawawa ang lahi mo. Idipende ko ang iyong hitsura sa taong pwede mong mahalin. Kasi, may level ang pag-ibig. Ikaw ay pagbibintangang umiibig sa kanya at tiyak namakukulong ka sa kanyang puso.