HOROSCOPE SEPTEMBER 16, 2022

HOROSCOPE SEPTEMBER 16, 2022

September 16, 2022 @ 7:00 AM 2 weeks ago


VIRGO (Agosto 23 – Setyembre 23) — Lagi mong tatandaan ang mga napakahirap na sitwasyon sa buhay mo. Gawin mo itong kalasag at balute upang maging gabay sa tamang pagpapasya. Iwasan mo ang mga taong nagpahamak sa iyo sa pamamagitan ng matabil na dila. Kapag nagtagumpay sila, hindi mo na kasalanan kung wala silang mapala sa iyong biyaya.

LIBRA (Setyembre 24 – Oktubre 23) — Kontrolin mo ang negatibong enerhiya at palitan ng positibo. Iyon ang isipin mong mangyayari. Ang mga bagay na pinaghirapan mo ay darating ang biyaya sa oras o pagkakataong hindi inaasahan. Masosorpresa ka na lang. Ang iyong pananahimik sa gitna ng mga tsismis ay isang uri ng kakaibang paghihiganti. Nagmumukhang hangal ang mga naninira sa iyo.

SCORPIO (Oktubre 24 – Nobyembre 22) — Huwag kang maiingit sa mga taong umaasenso, pero iligal ang ginagawa. Sapagkat sa bandang huli, mapapahamak sila. Huwag mong ikumpara ang iyong sarili o pamilya sa kanila. Na kung bakit hikahos kayo gayung namumuhay kayo ng matuwid? Ibibigay sa inyo ng langit ang nararapat, ipapakita Niya sa inyo ang kanilang pagbagsak.

SAGITTARIUS (Nobyembre 23 – Disyembre 21) — Ang iyong kalungkutan at kagipitan ay magwawakas sa isang magandang balita. Kung nakararanas ng kagipitan, tiyak na iyan ay malulunasan at may ending din gaya ng mga nobela at istorya. Kailangan mo ring magtiwala sa mangyayari at pangako ng iyong kaanak. Dahil sila rin ang mapapahiya kapag nakita ng iyong kapwa na pinababayaan ka.

CAPRICORN (Disyembre 22 – Enero 19) — Nagsusumikap ka at gumagawa ng mabuti. Gayunman, wala sa iyong pumapansin; at ni kapiranggot na papuri ay wala kang narinig mula sa iyong mga kasamahan. Mabuting magbulay-bulay at pag-aralan ang sitwasyon. Baka kasi, nagiging pabida ka na. kahit ikaw ang gumawa, ibigay mo sa kanila ang papuri kung yun ang gusto nila. Sila rin naman ang mapapahiya kung lihis ang pinapagawa sa kanila sa kanilang taglay na kakayahan.

AQUARIUS (Enero 20 – Pebrero 18) — Alisin mo sa iyong puso’t isip ang sama ng loob. Nagmumukhang sanggol ka lamang kapag pinairal mo pa rin iyan hanggang ngayon. Matutong mag-move-on at maging matured pa. Huwag mong hayaang kainin ka ng maling sistema. Hindi ka kasi ganap na magiging maligaya kapag may mga tao ka pang kinaiinisan. Ang totoo, wala na iyong mga taong naiinis sa iyo dahil may bago na silang kinaiingitan.

PISCES (Pebrero 19 – Marso 20) —  Itaguyod no ang iyong mga kapatid mo sa ngayon upang makabawi sa mga magulang. Ikaw ang magpupuno ng responsibilidad para sa kanila dahil ikaw ang pinagpapala. Huwag mong bilangin ang kalugihan sa iyong kadugo. Kapag nagtagumpay sila, sino ba ang makikinabang? Hindi ba’t kayo-kayo rin naman.

ARIES (Marso 21 – Abril 19) — Kahit wala ka namang gaanong nararanasang problema lalo na sapinansiyal, maging alerto ka pa rin. Baka sa ibang paraan at bagay ka subukin ng langit. Makikita mo samata at kilos ang mga kaibigan mong kinakapos. Huwag magwalang-bahala sa lagay nila. Palihim mosilang abutan ng salapi at hayagan ka namang pagpapalin ng Diyos.

TAURUS (Abril 20 – Mayo 20) — Ang mga bagay na nais makamit ay makukuha kapag nilakipan ng pagkilos. Huwag iasa ito sa himala at dalangin lamang. Sapagkat, papaano ka pakikinggan kung hindi ka naman gumagawa? Papaano aani ng butil ang magsasaka kung wala namang inihasik na punla? Huwag kang gagaya sa iba. Kumilos ka habang naghihintay at may gantimpalang darating sa iyo.

GEMINI (Mayo 21 – Hunyo 21) — Uulanin ka ng buwenas sa linggong ito. Gayunman, maging mapagbigay dahil may taong nagbibigay sa iyo ng gantimpala ayon dito. Maging tapat ka sa sarili. Pagdating naman sa pag-ibig, wala kayong gaanong problema o pagtatalunan ng iyong kasuyo. Yan ay dahil sa iniiwasan mo siyang biruin na ikinaiinis niya sa iyo.

CANCER (Hunyo 22 – Hulyo 22)  —  Isang taon na lang at maibibigay na ang matagal mo nang hinihiling. Subukan mong maging tapat at magkaroon ng pananalig sa Diyos. Sa mga susunod na linggo ay mahaharap sa biglaang problema. Pero, darating ang pera sa tamang pagkakataon kaya solve ang mga bayarin sa bahay.

LEO (Hulyo 23 – Agosto 22)  — Ibahin o lumipat ka muna ng sideline dahil sa hindi nabababagay sa iyo ang mga nakaraang pinagkakaabalahan. Magiging mabuti kung magtanong sa mga malalapit na kaibigan ukol dito. Sa pag-ibig, may pagbabagong mangyayari sa buhay mo. Ang iyong bagong kakilala ang magbibigay sa iyo ng bagong inspirasyon.