HOROSCOPE SEPTEMBER 23, 2022

HOROSCOPE SEPTEMBER 23, 2022

September 23, 2022 @ 7:00 AM 1 week ago


VIRGO (Agosto 23 – Setyembre 23) — Sa bawat lakad mo, sikapin mong mag-ingat dahil hindi mo alam ang mangyayari. Maging alerto ka at mapagmasid sa paligid. Kung may kasama ka sa transaksiyon at nagkataong ikaw ang lumakad mag-isa dahil siya’y nagkasakit, subalit nagtagumpay ito; hatian mo siya ng patas. Hindi ikaw ang lamang porke ikaw ang naka-closed ng deal. Sa ganito, naipakikita mo na isa kang tapat at mabuting tao at hahanga sa iyo ang inyong kliyente. Patunay din ito na hindi ka madaya at mapagbigay kang tao. Kaya, lagi kang mabibiyayaan sa iyong mga lakad.

LIBRA (Setyembre 24 – Oktubre 23) — Ano’t anoman ang biyayang itong natatanggap, maliit man o malaki, huwag kang magdamdam. Sa halip, magpasalamat ka pa rin dahil meron at buhay ka pa rin hanggang ngayon. Huwag mong tularan ang iba na nagdaramdam o kinukuwestyon ang Diyos dahil sa hirap na kanilang dinaranas. Ganyan katuso ang tao. Naaalala lang nila ang Panginoon kapag sagana o baka nakalimot pa nga. Asahan mo ngayong linggo, darating sa iyo ang napakalaking biyaya.

SCORPIO (Oktubre 24 – Nobyembre 22) — Huwag kang mabahala sa iyong paglalakbay. Gagabayan ka ng langit at ligtas kang makararating sa iyong paroroonan. Huwag ka ring matatakot sa sasabihin ng iba tungkol sa iyong kahinaan at pagkukulang sa trabaho. Paraanin mo lang sa kabilang tainga ang iyong maririnig. Pagbutihin ang trabaho dahil malaking pera ang papasok sa iyo. Mag-impok at unahin ang pamilya kapag pinagpapala.

SAGITTARIUS (Nobyembre 23 – Disyembre 21) — Makabubuting maglibang ka ngayong linggo. Mamasyal sa magagandang pook, sa mga kaanak at mga kaibigang malapit lang. Magdudulot ito sa iyo ng ibayong lakas at saya. May nakaamba ring biyayang parating upang makasabay sa mga bayarin. Gastusin ng maayos ang salapi at huwag munang maging mapagbigay sa iba. Sapagkat ikaw naman ang kakapusin. Huwag mo silang alalahanin sapagkat sapat ang salaping hawak nila.

CAPRICORN (Disyembre 22 – Enero 19) — Sa iyong galit ngayon, maaaring matunaw ng malaking tipak na yelo. Samakatuwid, malaki ang magiging epekto nito sa trabaho o organisasyon. Gayunman, huwag mo silang personalin. Sa meeting mo iwan ang iyong galit sa kanilang ikatututo. Huwag mong dalhin sa labas. Kapag nagkataon, lalayo ang loob sa iyo ng iyong mga empleyado. Maging magiliw pa rin sa kanila at magpakita na ikaw ay taong may etiketa’t may pinag-aralan.

AQUARIUS (Enero 20 – Pebrero 18) — Ang pag-ibig na wala pa sa panahon o bubot pa ay maramot. Nagseselos, mapanghinala at makasarili. Huwag ka munang sasalang dito kung ganyan ang iyong damdamin. Baka mahulog ka sa iyong sinasabi at masaktan sa bandang huli. Kung hindi pa naman kayo, huwag kang magseselos. Hindi mo pa siya pag-aari at’di ka rin niya pag-aari. Maging tahimik ka lang at maging may-asal sa pagkilos at tiyak na siya pa ang magkakainteres sa iyo.

PISCES (Pebrero 19 – Marso 20) — Huhusgahan ka ng maraming ‘di pa nakakakilala sa iyo ngayong araw. Dahil akala nila, palaban ka porke magaslaw ka. Pero, ang totoo, kalog ka lang. Hayaan mo sila. Maging ang demonyo man ay nagpapanggap na anghel. Hindi porke mahinhin ang isa ay basal na. Ang totoo, sa ibang pagkakataon, sila ay madungis na at itinata-go lang nila ito dahil sa takot sa kahihiyan. Gayunman, sikapin mo ring ayusin ang iyong ayos at pananamit. Sa gayun ay wala na silang masabi sa iyong di maganda.

ARIES (Marso 21 – Abril 19) — Pag-ibayuhin pa ang kasipagan sa trabaho o negosyo. Ito ang magpapasok sa iyo at sa iyong sambahayan ng mga biyaya. Tama ang iyong ginagawa na hindi nagpapatubo ng labis at gumagamit ng madayang timbangan. Hindi kagaya ng iba kaya nauubusan sila ng parokyano. Iba kasi ang kaisipan nila. Nagnegosyo lang para kumita ng kumita. Ikaw, nagnegosyo para makatulong sa iba.

TAURUS (Abril 20 – Mayo 20) — Ang labis na pagsisikap para lamang makapagpaligsahan sa estado ng buhay ng iba; ay parang pag-iimbak ng ulan sa buslong butas. Huwag mong piliting lumagay sa estado nila. Dahil ang totoo, araw-araw at gabi-gabi silang balisa. Makuntento ka sa ari-ariang nasa sa iyo dahil pinaghirapan mo iyan. Yayaman ka rin sa tamang panahon at sa tamang paraan.

GEMINI (Mayo 21 – Hunyo 21) — Huwag kang magdamdam kung ika’y pinagkaitan ng tulong o hindi pinautang. Marahil ang nilapitan mo ay wala talagang perang pampautang. O ang iba ay may pera, pero sinadya na hindi ka nila pautangin. Wais na ang tao ngayon sa pera. Karapatan nilang tumanggi at wala kang magagawa run. At kapag ikaw naman ang meron, karapatan mo ring tumanggi kapag nangutang sila. Pero, sa sampung lalapitan mo, may isa r’yan na magbibigay sa iyo.

CANCER (Hunyo 22 – Hulyo 22)  —  May taong ikinukumpara ang sarili niya sa iyo. Ang layo na ng narating ng taong ito at marami nang pera’t ari-arian. Pero, insecure pa rin siya sa iyo. Hayaan mo siya dahil nagmumukha siyang timang. Ganyan maliit ka pa lang sa lipunan ay gayun na siya, papaano na lang kaya kung nagkaroon ka ng maraming pera? Baka ikamatay na niya ito. Alam mo kung bakit? Dahil marami ang naiinis sa kanya at marami naman ang nagmamahal sa iyo.

LEO (Hulyo 23 – Agosto 22)  — Sikapin mo na ang iyong libangan ay mapagpapasaya sa iyo sa tamang paraan. Mapapagaling nito ang seryoso mong karamdaman. Makinig sa makabuluhang usapan at palitan ng kaalaman. Darating sa takdang panahon ang inaasahang biyaya upang magamit sa araw-araw. Alalahanin mo ang isang kaibigan na tumulong sa iyo ng walang hinihinging kapalit.