HOROSCOPE SEPTEMBER 26, 2022

HOROSCOPE SEPTEMBER 26, 2022

September 26, 2022 @ 7:00 AM 2 months ago


VIRGO (Agosto 23 – Setyembre 23) — Habang lalo mo siyang pinagseselos, lalo mo lang siyang pinalalayo sa iyo. Huwag mong gawin ito sa pag-aakalang lalo ka lang niyang hahabulin. Pero, ang totoo, binibigyan mo lang siya ng kaisipan na nagtutulak sa kawalan ng pag-asa. Kapag nasa iisang lugar kayo at kapwa nakikita ang isa’t isa, iwasan mong makipag-sweet-sweet-an sa iba. Ipakita mo na espesyal siya sa iyo. Sa gayun ay lalo lang siyang hahanga at mapapamahal sa iyo.

LIBRA (Setyembre 24 – Oktubre 23) — Ang mga bagay na nagagawa at pinagkakaabalahan mo noon ay maaari mo pa ring magawa sa bago mong kilalalagyang pook. Sa maunlad na teknolohiya ngayon, mapagbubuklod-buklod pa rin kayong magkakaibigan. Malayo man malapit rin. Magagawa pa rin ninyo ang inyong misyon at pag-abot sa mga pangarap. Magparamdam ka rin sa social media dahil nais malaman ng iba ang iyong kalagayan. Kumbaga, ano ang latest sa iyo. Huwag kang mag-alala, hindi sila pupulot ng tsismis, kundi sabik lang sila sa iyong mga litanya.

SCORPIO (Oktubre 24 – Nobyembre 22) — Huwag mong isipin na ang horoscope ay nakatuon lamang sa mabuting kapalaran na nakasentro sa salapi at lovelife. Iba na ang ihip ng hangin ngayon. Hindi ba’t ibig ng karamihan na maging masaya? Aanhin mo ang maraming pera kung may malala ka namang karamdaman? Kung galit naman lahat sa iyo? Gawin mo ang tama at magiging masaya ka at hindi hihiwalay sa iyo ang mga biyaya.

SAGITTARIUS (Nobyembre 23 – Disyembre 21) — Kung saan ka raw nadapa, roon ka bumangon; iyan ay isang maling kaisipan ng iba na kinakapit sa lahat ng pagkakataon at sitwasyon. Bakit ka babangon sa putikan at lubak? Ginagawa itong literal ng iba sa gayun ding pakahulugan. Tungkol sa iyo, sa ibang lugar ka magsimulang muli at magbagong buhay. Doon sa walang taong huhusga sa iyo. Kapag nakabangon ka na, saka ka magbalik sa lugar kung saan ka na-down noon. Upang makita nila na nagtagumpay ka na at iyon ang magiging ganti mo sa kanila.

CAPRICORN (Disyembre 22 – Enero 19) — Ang totoo, gusto ka rin niya, pero hindi lang niya pinahahalata. Alangan namang magpaka-cheap siya para maging kayo. Gumawa ng hakbang kung mahal mo rin siya upang magka-lovelife ka na. Panahon na para bigyan mo ito ng pansin dahil nagkakaedad ka na rin. Tutal may matatag ka nang trabaho, may ipon at may hinuhulugan nang bahay.

AQUARIUS (Enero 20 – Pebrero 18) — Ilagak mo ang iyong tiwala sa Diyos upang masolusyunan ang iyong mga suliranin ngayong araw. Bagama’t ang inaakala mong mahirap ay mapagagaan ng iyong pananampalataya. Kasunod nito ang isang magandang pangyayari sa iyong buhay. Maaaring ito ay promosyon sa iyong pinapasukan o dili kaya’y matagumpay na pagtatayo ng negosyo. Kung ikaw ay sumasagana sa mga biyaya, huwag mong kalilimutan ang taong tumulong sa iyo noong mga panahong walang-wala ka.

PISCES (Pebrero 19 – Marso 20) — Kung anong puno siya raw ang bunga.Yan ay ikinakapit lamang sa bungangkahoy at sa kung ano ang natutunan mo sa isang guro o sa iyong mga magulang.Bagama’t kinaiinisan ng iba ang iyong mga kamag-anak, ikaw naman ay kinagigiliwan dahil ikaw ay mapagpakumbaba at matulungin. Hindi kasi pare-pareho ang pag-uugali ng mga tao. Hindi porke magnanakaw ang iyong kapatid ay magnanakaw ka na rin.Kung inaalok ka ng tungkulin sa inyong pamayanan, tanggapin mo ito kung kaya mo. Sa gayun ay makatulong ka bilang isang mabuting lider.

ARIES (Marso 21 – Abril 19) — Ang buhay mo ngayon ay parang magic. Parang minamahika ng tadhana at pagkakataon. Malas ka na suwerte, suwerteng malas. Talunan na tagumpay. Magdudulot ito sa iyo ng bagong pagkatao na excited sa bawat pagkakataon at mga hamon ng buhay. Ang inaakala mong kabiguan ngayon ay tagumpay pala. Ang biyaya ay dumarating sa hindi inaasahang pagkakataon.

TAURUS (Abril 20 – Mayo 20) — Hindi habang panahon ay tagasalo mo ang iyong pinakamatalik na kaibigan. Darating ang panahon na lalagay din siya sa tahimik o ipagpapatuloy ang kanyang mga ambisyon sa buhay. Ngayon pa lang, matuto ka nang tumayo sa sariling mga paa. Pero, hindi ka niya pababayaan. Mag-focus ka ngayon sa mga bagay na nais mong makamit o i-push mo ang pangarap mo. Darating ang panahon na maipagmamalaki mo rin ang iyong narating na hindi umaasa sa tulong ng iba.

GEMINI (Mayo 21 – Hunyo 21) — Magkahawak ang inyong mga kamay, pero naghihintayan kung sino ang maunang magsasabing ‘ayoko na’. Nanlalamig na ang pag-ibig nyo sa isa’t isa bilang magkasintahan dahil sa mga sitwasyong nakita n’yo ang kapintasan ng bawat isa. Samakatuwid, hindi pa hinog ang pag-ibig na inyong nadarama. Mag-usap kayo at magsabi ng tapat sa bawat isa. Sa gayun ay maayos nyo pa ang lahat at muling sumigla ang damdamin ng bawat isa.

CANCER (Hunyo 22 – Hulyo 22)  — Hindi ka nila masisisi ngayon kung wala kang maibigay kapag sila ay lumapit sa iyo. Nagkataong sapat lang ang hawak mong salapi at hindi ka nagtatago ng kampipit. Hindi mi ipagkakasala ang gayun dahil sukat na wala ka talagang maibigay. Iyon ay pagsubok lamang sa iyo ng inyong mga kaibigan. Sa halip, malalaman nila ang tunay mong kalagayan at tutulungan ka nila. Ang tunay mong mga kaibigan ay hindi kasi papayag na makita kang balisa.

LEO (Hulyo 23 – Agosto 22)  — Isang magandang balita ang iyong matatanggap ngayong araw. Subalit, ang balitang ito ay mabibigyan mo ng maling pakahulugan na akala mo ay isa itong masamang balita. Gayung nagkukubli rito ang isang mabuting balita. Kaya, huwag kang pabigla-bigla sa desisyon at reaksyon at baka mabitag ka sa iyong sariling bibig. Kalma ka lang at magiging masaya ka bago lumubog ang araw.