HOROSCOPE SEPTEMBER 29, 2022

HOROSCOPE SEPTEMBER 29, 2022

September 29, 2022 @ 7:00 AM 2 months ago


VIRGO (Agosto 23 – Setyembre 23) — Umiwas ka sa mga tao o mga kaibigang gustong-gustong pag-usapan ang mga problema nila. Gayung may kaukulan namang solusyon. Ang totoo kasi, nakadarama sila ng kakaibigang kasiyahan sa kanilang damdamin kapag pinag-uusapan iyon, tapos nakita nilang affected ka. Bumalikwas ka para di mo masagap ang negative vibes. Pag-ukulan din ng pansin ang nakabinbing trabaho at tapusin. Sa gayun ay maambunan ka ng biyaya.

LIBRA (Setyembre 24 – Oktubre 23) — Kung dating kontrabida ang tingin nila sa iyo, magiging bida ka na. May magpapatotoo kasi na kahit maangas ka at may ginintuan ka palang puso. Maganda rin ito upang mag-iba na ang trato nila sa iyo. Pagbuhusan pa ng panahon at sipag ang ibinigay sa iyong proyekto. Sa gayun ay maging daluyan ito ng mga biyaya at pagpapala sa iyo at sa iyong sambahayan.

SCORPIO (Oktubre 24 – Nobyembre 22) — Paiiralin mo sa mga susunod na mga araw ang pagiging isnabero at pusong bato sa mga taong barubal at mahirap kausap. Makabubuti rin ito upang pahalagahan nila ang iyong salita, oras at panahon. Magiging kawili-wili ang minsang pag-iisa. Sa gayung estado, may matutuklasan kang bagay at kaalaman na magagamit mo sa isang proyekto sa trabaho. Ihanda rin ang sarili sa isang mabigat na gawain, pero malaki rin ang kikitain mo.

SAGITTARIUS (Nobyembre 23 – Disyembre 21) — Dahil sa ikaw ay naghahanap, ikaw din naman ay makasusumpong. Kumatok ka at mapagbubuksan. Humingi at ikaw ay pagbibigyan. Malakas ang karisma mo ngayon at sa mga susunod na araw. Kaya, mapapaamo mo ang bawat taong malapitan mo para makahingi ng pabor. Pauutangin ka basta maliit lang na halaga na hindi aabot sa 5 digits. Gayunman, magbayad agad ng atraso kapag dumating na ang inaasahang pera.

CAPRICORN (Disyembre 22 – Enero 19) — Kung ano ang iyong iniisip o mangyari, na hindi naman para sa iyo mahirap na gawin; huwag mo na itong iasa o ipagawa sa iba. Tutal, nasa konklusyon mo kasi na sila naman ay papalpak. Para walang problema o may dapat sisihin, ikaw na ang gumawa para hindi ka rin kainisan sa trabaho. May biglaang imbitasyon sa iyo mula sa may kalayuang lugar na dapat mong daluhan. Puntahan ito sapagkat may oportunidad na kakatok para sa iyo.

AQUARIUS (Enero 20 – Pebrero 18) — Huwag mong ipagdamdam o sabihin sa iyong sarili na ikaw ay kulang. Ni huwag itong isusumbat sa iyong mga magulang. Hindi nila kagustuhan ang pagkakaroon mo ng kapansanan. Gayunman, ke normal o hindi, may kanya-kanyang oportunidad na ibinibigay ang Diyos sa ilalim ng araw. Sa bawat isa na kanyang nilalang. Ang husay ng iyong kamay at angking karunungan ang magpapasok sa iyo ng kanyang mga biyaya.

PISCES (Pebrero 19 – Marso 20) — Pakiramdaman mong mabuti ang iyong sarili at ang iyong damdamin. Likas sa iyo ang madaling ma-fall, pero agad ding nawawala. Kumbaga, flavor of the month ang mga lalaki sa iyo. Bawat buwan ay may bago kang mahal o crush. Pero, pagkatapos nu’n, ligwak na sila sa sistema mo. Kaya, kung hindi mo talaga gusto ang isang lalaki, tapatin mo na. Huwag mo nang pahabain pa ang istorya. Sa gayun ay hindi na sila mahirapan at gumastos para mapasagot ka. Pero, hindi na nila pwedeng bawiin ang mga regalo at bagay na ibinigay nila sa iyo. Naabala ka rin naman nila kahit papaano at okay lang sa kanila iyon.

ARIES (Marso 21 – Abril 19) — Sabihin mo sa akin kung sino ang kasama mo at sasabihin ko sa iyo kung sino ka! Yan ang dapat mong pairalin sa iyong isip. Huwag kang didikit sa mga taong mainitin ang ulo at mahilig makipagtalo habang nasa umpukan at tumutungga ng alak. Baka madamay ka sa kanilang kahangalan at kawalan ng dangal. Nakakaubos ng pera ang pagkagumon sa alak. Dumuon ka sa taong ang nasa isip ay kung papaano kumita sa malinis na paraan.

TAURUS (Abril 20 – Mayo 20) — Darating ngayong araw ang isang bagong umaga o magandang oportunidad sa iyong buhay. Gayunman, magdudulot ito ng lungkot sa mga taong malapit at nagmamahal sa iyo. Kasi nga, magtutungo ka sa ibang bansa o lugar upang tuparin ang iyong pangarap. Subalit, kinakailangang magpasya ka ayon sa ipinasya ng iyong puso. Kung kakagatin mo ito o hindi. Piliin mo ang para sa iyo at sa para sa kinabukasan. Kahit malungkot sila, ‘e para naman sa kanila ang gagawin mo.

GEMINI (Mayo 21 – Hunyo 21) — Hindi siya mapapasaiyo kung ibinubulong mo lang sa hangin ang iyong damdamin at ang pagsasabi mo sa kanya ng ‘I love you’. Na umaasa ka na baka siya ay sumagot, pero hindi naman magkakatotoo. Kumilos ka dahil 90 porsyentong may pag-asa ka naman sa kanya. Naghihintay lang siya sa iyo. Lagpas na rin ang edad mo sa kalendaryo, kaya kilos na. Sabik ang magkaapo ang parents mo. Kaya, go na.

CANCER (Hunyo 22 – Hulyo 22)  — Hindi ka makaiiwas sa mga mata ng mga taong mapanghusga. Buweno, problema na nila iyon. Basta ikaw, wala kang tinatapakang tao para makuha ang gusto mo. Sa mata kasi nagmumula ang inggit nila sa iyo. Dahil ang mga bagay na meron ka na wala sila ang siyang nais nilang gustong magkaroon din sila at makuha. Ipakita mo na hindi ka apektado at pakitunguhan mo sila ng mabuti. Tulungan mo rin silang maabot ang gusto nila. At saka nila masasabi na napakasarap mo palang maging kaibigan.

LEO (Hulyo 23 – Agosto 22)  — Kung mayroong nagsara sa iyo ng pintuan, may iba naman na magbubukas sa iyo ng bintana. Hindi na uubra sa iyo ang manipulasyon sa iyong career. Sa bandang huli, panghihinayangan nila na pinakawalan ka nila. Sinayang nila ang iyong kasanayan at kakayahan. Mainam din na makihalubilo sa mga kaibigan tuwing weekends. Kailangan mo rin kasing maging masaya para makalimutan mo ang pinagdadaanan mo. Huwag nga lang susobra at hangga’t maaari, sa bahay na lang gawin ang hang-out nyong magkakatropa.