Hospital group: Pagkalos sa mandatory indoor face mask napaaga

Hospital group: Pagkalos sa mandatory indoor face mask napaaga

October 27, 2022 @ 4:00 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Sinabi ng pinuno ng Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPI) nitong Huwebes na ang pagoayag sa opsiyonal na pagsusuot ng face mask sa indoor spaces sa kasalukuyang sitwasyon ay “premature” dahil maaari itong ipakahulugan ng publiko na tapos na ang COVID-19 pandemic.

Bago ipalabas ang executive order ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sinabi ni PHAPI president Dr. Jose de Grano na ang boluntaryong pagsusuot ng face mask indoors ay pwedeng magresulta sa pagsasawalang-bahala ng publiko sa COVID-19.

“Sa amin po, it’s still parang ang tingin namin ay napaaga, premature. Right now, baka magkaron tayo ng conception na libre na tayo, na because voluntary na ‘yan, ay isipin ng mga tao na wala na ang COVID,” pahayag niya.

“Pero sa katotohanan po, mataas pa rin ang kaso natin. 20,000 plus pa rin ang active cases natin at ayun nga, every day, more than 1,000 to 2,000 pa rin ang nagiging daily cases natin,” patuloy ng eksperto.

Sinabi ni Department of Health (DOH) officer-in-charge Maria Rosario Vergeire snitong Huwebes na ang mga abgong kaso ng COVID-19 infections sa bansa ay posibleng tumaas sa 2,500 hanggang 18,000 kada araw sa Nobyembre o Disyembre kung hindi na magsusuot ng face mask ang mga tao.

“Right now, low risk pa tayo at kokonti pa lang ang hospital utilization… Pero ‘pag nagkaron po ulit ng surge, puwedeng hindi kayanin ng ating mga hospitals kasi alam niyo naman, may problema tayo sa manpower at sa healthcare workers,” aniya.

Hindi pa rin umano handa ang bansa sa pagluluwag sa paggamit ng face mask, subalit dahil nakapagdesisyon na ang Pangulo ukol dito, nasa mga indibidwal na ang desisyon kung magsusuot pa ng face mask o hindi.

Umapela rin siya na patuloy na sumunod sa minimum public health standards. RNT/SA