HOSPITAL NG QUEZON PABAYA; MGA LABI NG COVID VICTIMS NAAAGNAS NA

HOSPITAL NG QUEZON PABAYA; MGA LABI NG COVID VICTIMS NAAAGNAS NA

September 15, 2021 @ 8:20 AM 7 days ago

  •  
  •  
  •  

GRABE at nakababahala na ang sitwasyon sa Quezon Medical Center, isang pampublikong ospital na pinapatakbo ng lokal na pamahalaan ng lalawigan ng Quezon.

Sino ang hindi mabahala kung totoo na ang mga labi ng mga pumanaw sa Covid-19 ay pawang nakatiwangwang lang sa mga pasilyo at naaagnas na dahil hindi maayos na ang pag-a-asikaso ng pamumunuan ng ospital?

Batay sa mga larawan na ipinadala ng isang mapagkakatiwalaang source, ‘yung mga bangkay ay ipinasok lang sa mga body bag at hinahayaang mabulok sa Ground floor ng Annex Building ng ospital.

Ayon sa mga nakasaksi, hindi na kaayaaya ang kalagayan sa ospital dahil sa unang palapag na mismo ng ospital nakalagak ang mga nabubulok na labi at katabi ang mga kwarto na ginagamit para sa CT Scan, 2D Echo at blood bank.

Sa ikalawang palapag naman na tanaw na tanaw ang mga labi, umabot na ang umaalingasaw na amoy ng mga naaagnas na mga patay. S palapag ding ito matatagpuan ang stay-in quarters ng nurses na naka-duty at mga silid para sa mga nagpopositibo at nagpapagaling sa Covid-19.

Sa third floor naman, na tanaw pa rin ang dugyot na sitwasyon sa ibaba ng gusali,  matataggpuan ang mga opisina tulad ng Integrated Provincial Health Office (IPHO), Department of Health (DOH), at iba pang tanggapan.

Maituturing na isang malaking kahihiyaan at dagok sa pangasiwaan ng ospital ito, lalo na sa lokal na pamahalaan ng probinsya ng Quezon, ang kapabayaan na ito na ayon sa DILG-DOH Joint Memorandum Circular No. 1 Series of 2020, hindi maaaring patagalin ng higit 12 hours ang labi ng isang taong pumanaw sa COVID-19.

Bago isagawa ang pagsunog o pag-cremate rito dahil sa lubos itong nakapanghahawa at kung walang kamag anak ang kukuha sa mga labi, inaatasan ang mga lokal na pamahalaan na magsagawa ng agarang pagproseso ng libing o cremation.

 Ayon sa ating tipster, nagpatawag naman ng pagpupulong ang gobernador ng probinsya na si Danilo Suarez hinggil sa nabanggit na sitwasyon sa ospital  ngunit ikinadismaya ng ating tipster na natapos ang pagpupulong na tila walang malinaw at kongkretong solusyon na nailatag.

Sa nasabing pagpupulong, tila nagmukhang amateur o walang alam ang gobernador sa susunod na hakbang na kanyang tatahakin, dagdag pa ng insider.

Batay sa pinakabagong report ng probinsya ng Quezon para sa ika-12 ng Set-yembre, nakapagtala ng panibagong 153 COVID cases ang probinsya:

Sa kabuang tala, umaabot na sa 18,701 ang gumaling sa sakit habang 1,079 naman ang nasawi sa COVID-19 sa buong probinsya ng Quezon.


  •  
  •  
  •