Hospital room ipinaubaya ni DENR Usec. Antiporda sa may sakit na senior citizen 

Hospital room ipinaubaya ni DENR Usec. Antiporda sa may sakit na senior citizen 

April 6, 2021 @ 7:55 PM 2 weeks ago

  •  
  •  
  •  

MANILA, Philippines – Mas minabuti ni Department of Environment and Natural Resources Undersecretary Benny Antiporda na sa bahay na lang magpagaling para makatulong sa ibang positibo sa coronavirus disease 2019 na higit na nangangailangan ng pagkalinga sa mga ospital.

Ito ang naging tugon ni Usec. Antiporda bunsod ng mga negatibong komento sa kanyang post sa social media hinggil sa kanyang pagpapagamot sa kanilang tahanan.

Ayon kay Antiporda, maaari naman siyang magpaospital subalit dahil umaapaw na sa mga pasyenteng may COVID-19 ang ilang ospital, ibinigay na lang niya ang ipagagamit sanang kwarto sa kanya sa ina ng isang kapatid sa media na senior citizen na at may malubhang kalagayan.

Sa rami umano ng kanyang kaibigan at taong natulungan niya, natitiyak niyang hindi siya mapahihindian at patunay rito ang inialok sa kanyang silid sa isang ospital na ipinaubaya na lang niya sa higit na nangangailangan.

“Mas minarapat po naming mag-asawa na sa bahay na lamang kami makikipagsapalaran, may-awa ang Diyos!”  dagdag pa niya.

Matatandaang nag-post si Usec. Antiporda na Marso 22, 2021 nang makaramdam siya ng pagkapaos at pangangati ng lalamunan kaya agad siyang nagpasailalim sa antigen test kung saan siya nagpositibo.

Ipinasuri rin niya ang kanyang pamilya at negatibo naman ang mga ito kaya agad siyang nag-self isolate at hiniwalay rin ang lahat ng gamit niya para makaiwas sa kontaminasyon.

Napuno naman ng komento ng kanyang mga kaibigan na humihiling ng kanyang paggaling ang mga post ni Antiporda na ikinwento ang kanyang naging karanasan sa pagkakaroon ng COVID-19. RNT


  •  
  •  
  •