HOT NA HOT BALIKBAYAN BOXES

HOT NA HOT BALIKBAYAN BOXES

November 10, 2022 @ 12:38 PM 2 weeks ago


MARAHIL ay hindi na mapapanis o masisira ngayong taon ang mga laman ng balikbayan boxes ng ating mga kababayang nasa ibang bansa dahil sa nalalapit na naman ang Pasko.

Kaya naman na pursigidong-pursigido si Commissioner Yogi Felimon Ruiz na madispatsa na ang inuukilkil na balikbayan boxes na sabi ng ating mga katoto ay nabubutas o binubutas na ng mga daga sa warehouse.

Kaya ang siste ngayon,naghahabol sa tambol mayor ang mga tatanggap ng balikbayan boxes.

Alam n’yo ba na kapansin-pansin ang sipag sa trabaho ng Bureau of Customs?

Dati rati kasi kapag ganitong magpa-Pasko ay umaani ng kaliwa’t kanang batikos ang BOC lalo na mula sa mga kababayan natin overseas Filipino workers na may mga padalang balikbayan boxes sa kani-kanilang pamiliya sa bansa.

Kasi ang mga padala ng ating mga kababayang nasa ibang bansa na balikbayan boxes ay bumibilang ng buwan at kung minsan taon pa nga ang inaabot bago maihatid sa kanilang mga bahay o bago nila ma-pick-up mula sa bodega ng BOC.

Pero ngayon ay mainit na mainit ang operasyon ng BOC dahil araw-araw ay may update kung gaano na karaming balikbayan boxes ang kanilang naipapadala sa mga bahay o kaya naman ay nakukuha na.

Kung pagbabasehan natin ito, may kabuuang 1,996 na abandonado at hindi binayarang balikbayan boxes ang naihatid na ng Bureau of Customs sa mga recepient nito.

Naiproseso na rin ng BOC ang 1,154 balikbayan boxes na naka-consign sa Island Kabayan Express, 329 nito na kinuha ng recipients sa Portnet Logistics Warehouse sa Sta. Ana, Manila.

Sa ngayon ay may 217 parcels na ang naideliber ng bureau, 310 ay naipadala na at ang 210 maaari na ring at naka-schedule na idispatsa.

Ayon kay Commissioner Ruiz, ang lahat ng balikbayan boxes ay maipadadala ngayong Pasko. Kung hindi man,sa loob ng dalawang buwan ay maaari na makuha ang mga balikbayan box ng ating mga kababayan na umaasa na makararating ito sa kani-kanilang mga kamag-anak bago o matapos ang Pasko.

Kaya yaong mga may balikbayan boxes, malaya kayong makipag-ugnayan sa BOC upang makuha nyo ang mga padala sa inyong regalo o gamit ng inyong mga mahal sa buhay na nasa ibayong dagat.