Hotel quarantine, iklian- Concepcion

Hotel quarantine, iklian- Concepcion

December 7, 2021 @ 12:24 PM 10 months ago


MANILA, Philippines- Inihirit ng isang opisyal na ibalik sa tatlong araw ang quarantine sa hotel facilities ng mga niyahero galing sa yellow at green list countries. 

Ito ay habang wala pang impormasyon ukol sa lakas ng transmissibility at pagkalubha ng sintomas na dala ng coronavirus disease (COVID-19) Omicron variant. 

Sa panayam sa Teleradyo, iginiit ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion na mas praktikal at mas marami ang makauuwi sa bansa kapag ibinalik sa tatlong araw ang quarantine sa hotel, at ituloy na lang sa bahay ang pito hanggang walong araw na quarantine. 

“Nag-request ako kay Secretary Duque at sa mga medical advisers kung pwede before December 15 makikita natin, buong mundo ano ang nangyayari kasi they’re waiting for the test that’s coming out so they will make an announcement ang tingin ko before December, mid-December, so kung gawin nila yan, then there’s still a chance for people to make habol here and come home,” pahayag ni Concepcion.

Sinabi niya na sa ganitong paraan ay makahahabol ang mga uuwi sa pagdiriwang ng Pasko kasama ang kanilang mga pamilya. 

Hiniling din ni Concepcion na sana bago mag-Disyembre 15 ay may desisyon na ang Department of Health ukol dito. 

Sa ngayon ay dapat sumailalim sa facility-based quarantine ang mga biyaherong uuwi ng Pilipinas sa ilalim ng yellow list at green list, hanggang sa lumabas ang kanilang swab test result, na gagawin sa ika-5 araw na pagka-quarantine. RNT/SA