“Hotel Transylvania 3,” nanguna sa box office charts

“Hotel Transylvania 3,” nanguna sa box office charts

July 16, 2018 @ 12:03 PM 5 years ago


 

Los Angeles – Umakyat sa unang puwesto ang animated movie na “Hotel Transylvania 3: Summer Vacation” sa domestic box office charts na mayroong $44 million mula sa 4,267 na lokasyon,

Sinipa nito ang pelikula ni Dwayne Johnson na “Skyscraper” na mayroon lamang $25.5 mula sa 3,782 theaters.

Mukhang walang panama sa pangil ni Dracula si Dwayne, a!

Ang pampamilyang animated movie ng Sony ay nagkaroon ng $46.4 million sa buong mundo simula noong Sabado at Linggo kasama na ang Amazon Prime showings.

Muling itinanampok sa “Hotel Transylvania 3: Summer Vacation” ang mga boses nina Adam Sandler, Selena Gomez, Andy Samberg, at Kathryn Hahn sa ikatlong installment franchise kung saan nagkaroon ito ng $80-million production budget.

“We’re thrilled…We took the No. 1 slot this weekend with a tremendous amount of competition,” sabi ni Sony president of worldwide distribution Josh Greenstein.

Dagdag pa ni Greenstein, dahil ang opening ng movie ay inilabas ng summer season, ang “Hotel Transylvania 3” ay makatutulong para malibang ang mga bata na magbabakasyon.

Ang opening ng “Hotel Transylvania 3” ay naging second-best para sa franchise. Ang unang film noong 2012 “Hotel Transylvania,” ay mayroong $42 million habang ang pangalawa naman ay mayroong $48 million.

Maliban sa  “Hotel Transylvania 3” at “Skyscraper’s” na nasa ikalawang puwesto, kabilang sa mga nakapasok sa listahan ay ang “Ant-Man and the Wasp” no. 3 ($29.5 million), “Incredibles 2” no. 4 ($16 million), at “Jurassic World: Fallen Kingdom” no. 5 ($15.5 million). (Remate News Team)