House-to-house ‘Chikiting Bakunation’ sa Las Piñas umarangkada na

House-to-house ‘Chikiting Bakunation’ sa Las Piñas umarangkada na

May 30, 2022 @ 6:39 PM 4 weeks ago


 

Sinimulan na ng lokal na pamahalaan ng Las Piñas ang pagbabahay-bahay sa pagbibigay ng bakuna sa mga kabataang nasa edad 0 hanggang 23 buwang gulang sa lungsod.

Ayon kay Las Piñas City Mayor Imelda ‘Mel’ Aguilar, target na mabakunahan ng lokal na pamahalaan ang nasa 4,000 na tsikiting sa iba’t-ibang barangay sa lungsod kung saan pagkakalooban ang mga ito ng bakunang BCG o bakuna kontra TB, Penta-hib o 5in1, Oral Polio at bakuna kontra tigdas.

Sinabi ni Aguilar na ang pagtuturok ng bakuna sa mga tsikiting mula sa iba’t-ibang bahagi ng lungsod ay alinsunod sa programang “Chikiting Bakunation” ng Department of Health (DOH) na naglalayon na maabot ang mga kabataang hindi pa nabakunahan ng mga fundamental vaccines o di kaya ay yung mga kabataang hindi pa nakakumpleto ng mga bakuna bunsod na rin sa pagkakaroon ng lockdown.

Kamakailan lamang ay bumista ang mga kinatawan ng DOH sa Barangay CAA sa unang araw ng pagpapatupad ng “Chikiting Bakunation” sa lungsod upang magsagawa ng kanilang monitoring at evaluation ukol sa nabanggit na programa.

Dagdag pa ni Aguilar, ang programang baksinasyon ng DOH na isasagawa sa 20 barangay sa lungsod, ay magtatagal ng Hunyo 10, 2022 hanggang sa makamit ng lokal na pamahalaan ang bilang ng target ng mga tsikiting na matuturukan ng libreng bakuna.

Samantala, inatasan ni Aguilar at ng kanyang anak na si Vice Mayor April Aguilar ang City Health Office (CHO) na pagtuunan din ng pansin ang pagbabakuna sa mga tsikiting na makapagbibigay ng karagdagang proteksyon sa mga ito. (James I. Catapusan)