House-to-house immunization ng tsikiting umarangkada na sa Las Piñas

House-to-house immunization ng tsikiting umarangkada na sa Las Piñas

November 10, 2022 @ 12:50 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Sinimulan Las Piñas City Health Office (CHO) ang house-to-house immunization ng mga bata mula 0 hanggang 23 buwang gulang bilang bahagi ng “Vax-Baby-Vax” routine catch-up immunization program.

Ayon kay Las Piñas City Mayor Imelda ‘Mel’ Aguilar, kanyang inatasan ang CHO team na bisitahin ang lahat ng 16 barangay sa lungsod upang mabakunahan ang mga bata na nasa edad 0-23 buwang gulang at pagkalooban din ang mga ito ng bitamina.

Sinabi ni Aguilar na ang “Vax-Baby-Vax” routine catch-up immunization program ay sinimulan sa lungsod nito lamang Nobyembre 7 at mananatili ng hanggang Nobyembre 18.

Dagdag pa ni Aguilar na ang house-to-house immunization program ay isinagawa upang masiguro na ang lahat ng mga bata ay mapagkakalooban ng bakuna laban sa measles, Hepatitis B, BCG (bacilli calmette-guerin) na isang bakuna laban sa tuberculosis, pentahib o ang 5-in-1 vaccine, MMR (measles, mumps at rubella) at laban sa polio.

Ang programang imunisasyon ng mga bata ay bahagi rin ng administrasyon ni Aguilar na 5K program (Kaayusan, Kalusugan, Kabuhayan, Kaalaman at Kinbukan).

Sinabi din ni Aguilar na ang “kalusugan” ng bawat residente, lalo na ng mga bata, ay napakaimportante para sa kanyang proyektong “Tuloy, Tapat at Progresibong Serbisyo.”

Ibinida din ni Aguilar ang pagkakakilala sa lungsod nito lamang Hunyo 22 dahil sa hindi mapapantayang pagbibigay serbisyo sa pagsasagawa ng “Chikiting Bakunation.” James I. Catapusan