House-to-house vaccination, aprub kay Bong Go

House-to-house vaccination, aprub kay Bong Go

January 19, 2022 @ 3:22 PM 7 months ago


Manila, Philippines – Mariing sinusuportahan ni Senator at Senate Committee on Health chairman Christopher “Bong” Go ang inisyatiba ng gobyerno na pataasin ang pagbabakuna laban sa COVID-19, partikular sa mga senior citizen at taong may comorbidities.

Noong Enero 14, inihayag ni acting Presidential spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles ang pinasimpleng pamamaraan upang matiyak na ang mga kuwalipikadong Pilipino ay makatatanggap ng bakuna sa lalong madaling panahon at sa pinakamabisang paraan.

Kasama sa mga pamamaraan ang pagpayag sa mga walk-in admission at pag-aalis ng medical clearance.

Isasagawa rin ang house-to-house inoculation para sa mga hindi makabiyahe sa lugar ng pagbabakuna dahil sa mga isyu sa kalusugan o hirap na pagkilos.

“Matagal na akong umaapela na pabilisin pa lalo ang pagbabakuna at kung maaari ay dalhin mismo sa bahay ang bakuna ng mga willing maturukan pero hindi kayang pumunta sa vaccination sites,” ani Go.

“Nagpapasalamat ako sa gobyerno sa pagtugon sa ating apela na padaliin ang proseso ng pagbabakuna. The vaccine is the key to us achieving herd immunity, returning to normalcy, and overcoming the pandemic at the soonest possible time,” idinagdag ng senador.

Noong Enero 16, halos 55.2 milyong Pilipino ang ganap naang nabakunahan, ayon sa Department of Health.

Humigit-kumulang 58.8 milyong indibidwal ang nakakuha ng kanilang unang dosis habang 4.9 milyon ang nakatanggap ng booster shot. Ang pamahalaan ay nagbigay ng kabuuang 118.9 milyong COVID-19 na dosis mula nang magsimula ang mga rollout noong Pebrero.

“Nananawagan ako sa aking mga kapwa manggagawa sa gobyerno, lalo na sa mga lokal na punong ehekutibo na tiyakin ang patuloy na pag-deploy ng mga bakuna. Ilapit natin ang bakuna sa mga maaaring nahihirapang makuha ang mga ito, kabilang ang mga may kapansanan at ang mga nakatira sa kanayunan at mahirap maabot na mga lugar,” apela niya.

Ipinaliwanag ni Secretary Nograles sa isang panayam na kakailanganin lamang ng mga medical clearance sa mga bakuna na may comorbidities, tulad ng cancer at mga malalang sakit.

Hindi na aniya kakailanganin ang mga pagsusuri sa presyon ng dugo, maliban kung hihilingin ng dumadating na manggagamot.

Upang makatulong na mapabilis ang programa ng bakuna, naglabas ang senador ng ilang apela sa publiko at pribadong sektor na magkaroon ng mga insentibo upang hikayatin ang mga nananatiling nag-aalangan na kumuha ng kanilang mga bakuna.

“Kung ma-rerelax natin ang mga restrictions at ibang protocols, inaasahan natin na mas maraming sektor ng ekonomiya ang mabubuksan. Mas marami sa ating mga kababayan ang makakahanapbuhay at makakabalik sa kanilang mga trabaho muli. Ibig sabihin, mas maraming pamilya ang makabangon mula sa hirap na dulot ng pandemya,” paliwanag ng mambabatas.###