House visit ng pulis sa mga mamamahayag, ipinahinto ng NCRPO

House visit ng pulis sa mga mamamahayag, ipinahinto ng NCRPO

October 16, 2022 @ 8:26 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Ipinahinto na ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang pagbabahay-bahay ng mga pulis upang bisitahin at kamustahin ang mga mamamahayag.

Partikular na dito ay upang alamin kung sila ba ay may mga natatanggap na banta sa kanilang buhay.

Ayon sa ulat, ipinag-utos na umano ni NCRPO chief Police Brigadier General Jonnel Estomo na itigil ang aktibidad na ito makaraan magpahayag ng pagkabahala ang ilang mamamahayag patungkol dito.

Paliwanag naman ni Police Lieutenant Colonel Dexter Versola, tagapagsalita ng NCRPO, ang house visit ay naglalayon sanang makakuha ng impormasyon sa posibleng banta sa ilang alagad ng media.

Dagdag pa ni Versola, kumakalap na sila ng impormasyon sa Quezon City Police District at Eastern Police District tungkol sa usapin ng pagpapadala nila ng pulis sa bahay ng mga mamamahayag.

Aminado naman ang NCRPO na bagama’t malinis ang hangarin ng ahensya ay maaaring hindi nga na magbigay ito ng maling mensahe sa may-ari ng tirahan na bibisitahin.

Matatandaan nitong Sabado, Oktubre 15 ay kumalat ang tweet ng isang reporter ng GMA kung saan binisita umano siya ng isang hindi unipormado na nagpakilalang pulis upang tanungin kung siya ba ay may natatanggap na banta sa buhay kasunod ng nangyaring pagpatay sa broadcaster-journalist na si Percy Lapid. RNT/JGC