House visit ng pulisya sa bahay ng mga mamamahayag, paiimbestigahan ng Makabayan bloc

House visit ng pulisya sa bahay ng mga mamamahayag, paiimbestigahan ng Makabayan bloc

October 16, 2022 @ 2:43 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nais paimbestigahan ng Makabayan bloc ang nangyaring surprise visit ng pulisya sa tirahan ng ilang mga mamamahayag upang kamustahin kung may natatanggap ba silang banta sa kanilang buhay.

Ito ang sinabi ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. France Castro nitong Linggo, Oktubre 16.

“Nakakabahala ito kasi ganito din ang ginawa sa mga teachers na pinuntahan sa bahay pero pinoprofile na pala sila. Kasunod naman nun ay tumindi na ang red-tagging sa mga guro,” pahayag ni Castro.

Inihalintulad niya ito sa nangyaring pagbisita ng mga sundalo sa Masbate sa mga guro na dumalo sa pagpupulong ng
Alliance of Concerned Teachers (ACT).

“The problem with these supposed ‘visits’ though are they are not mere visits because by doing so they are illegally accessing and/or disclosing and/or using personal information, including sensitive personal information like residence and political leanings, perceived or actual, of the people they are supposedly visiting,” pagdidiin niya.

Matatandaan kahapon, Oktubre 15 ay nag-viral online ang tweet ng isang GMA reporter na binisita umano ng isang hindi unipormadong pulis upang tanungin kung may natatanggap ba itong banta sa buhay, kaugnay ng nangyaring pagpatay sa broadcast journalist na si Percy Lapid.

Nang malaman ang ulat na ito, agad na ipinahinto ni National Capital Region Police (NCRPO) chief Police Brigadier General Jonnel Estomo ang mga aktibidad na ito at humingi ng tawad sa nangyari. RNT/JGC