Housekeeper nanlaban sa rape; suspek kalaboso!

Housekeeper nanlaban sa rape; suspek kalaboso!

June 20, 2022 @ 5:45 PM 1 week ago


Bulacan- Arestado ang isang 39-anyos na lalaking time keeper matapos tangkaing halayin ang isang 28-anyos na babaeng housekeeper sa lungsod ng San Jose Del Monte (SJDM).

Kinilala ang suspek na si George Ladiao habang ang biktima ay itago sa pangalang Bianca kapwa residente ng Brgy.San Pedro.

Sa report,nangyari ang insidente bandang ala-1:30 ng madaling araw nitong Hunyo 20 sa naturang lugar.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon,sa kasagsagan ng tulog ng biktima ay nagising ito nang maramdamang may naghuhubad sa kanyang pantalon.

Nang mamulat ay nakita niya ang suspek sa kanyang tabi hanggang sa paghahalikan siya at kubabawan.

Sa takot at taranta ng biktima,hindi inaasahang naitulak niya ang suspek kaya nakatakbo palayo at tuluyang nakatakas.

Dahil dito,nagreklamo ang biktima sa barangay kaya nahuli ang suspek na isinuko naman sa pulisya kalaunan.

Nahaharap sa kasong attempted rape ang suspek na nakulong sa naturang istasyon ng pulisya. Dick Mirasol