Housing gaps sa bansa tutugunan ni PBBM

Housing gaps sa bansa tutugunan ni PBBM

December 5, 2022 @ 1:13 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nangako si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tutugunan  nito ang ‘housing gaps’ sa Pilipinas.

Si Pangulong Marcos ay nasa Naic, Cavite kung saan pinangunahan niya ang ‘awarding of certificates’ ng house and lot sa mga benepisaryo ng housing project ng National Housing Authority (NHA).

Tinatayang nasa 30,000 housing units na ang naipamahagi sa  buong bansa.

“Ito ay isang kongkretong hakbang tungo sa pagkamit ng ating pangarap na mabigyan ng maayos na matitirahan ang ating mga kababayan. Ito ay malinaw na nagpapakita ng inyong dedikasyon sa inyong sinumpaang tungkulin,” ang bahagi ng talumpati ni Pangulong Marcos.

“Nanatili ang ating layunin ng makakapagpatayo ng dekalidad at murang pabahay para sa bawat pamilyang Pilipino, lalo na para sa mga mahihirap na ating mga kababayan,” dagdag na wika nito.

Hinikayat naman ng Pangulo ang NHA at iba pang concerned agencies at stakeholders na ipagpatuloy lamang ang pagbibigay sa publiko ng matitirhan at bigyan ang mga ito ng pagkakataon na makapaghanapbuhay.

“Kasabay ng mga tirahang ibinabahagi natin, tiyakin natin na mabigyan din natin sila ng pagkakataon na makapag-hanapbuhay at magamit ang kanilang mga kakayahan at talino tungo sa kanilang tuloy-tuloy na pag-unlad,” ayon kay Pangulong Marcos.

“Patuloy ninyong pagtibayin ang pakikipag-ugnayan sa mga kaakibat na ahensiya, mga lokal na pamahalaan, at mga pribadong organisasyon. Hangarin natin na matiyak na may sapat na suporta ang lahat ng mga benepisyaryo ng mga bagong tirahang ito,” aniya pa rin.

Sa ilalim ng Marcos administration, ang  Department of Human Settlements and Urban Development’s (DHSUD) Pambansang Pabahay para sa Pilipino program ay naglalayong magtayo ng  isang milyong housing units kada taon o may kabuuang anim na milyong  housing units  sa loob ng anim na taon ng kasalukuyang gobyerno.

Samantala, inalala naman ng Punong Ehekutibo ang Bagong Lipunan Improvement of Sites and Services (BLISS) project ng kanyang ina na si dating Unang Ginang Imelda Marcos.

Sinabi pa ng Pangulo na pag-aaralan ng kanyang administrayson ang pagtatayo ng  high-rise housing projects.

“Kung maalala niyo ‘yung BLISS, ‘yung project ng BLISS, diyan nag-umpisa ang mid-rise na ilang five storeys, six storeys na building. At mukha namang maganda at marami talagang kumuha, nagkaroon sila ng sarili nilang tirahan,” ayon kay Pangulong Marcos.

“Ngunit ngayon dahil mahirap na, siguro baka pataasin pa natin. Baka puwede na nating itaas hanggang high-rise na. Ngunit pinag-aaralan natin ito siguro case-to-case ito,”  anito. Kris Jose