Housing program ni PBBM umarangkada na rin sa Visayas

Housing program ni PBBM umarangkada na rin sa Visayas

October 4, 2022 @ 9:01 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – NAGSIMULA na ang pagtatayo ng housing projects sa lungsod ng Bacolod, Roxas at Iloilo sa Visayas Region sa ilalim ng Pambansang Pabahay para sa Pilipino program ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.

Sa katunayan, makaraan lamang ang ilang linggo na pagkakalagda sa memorandum of understanding (MOU), kaagad na nagsagawa ng ground breaking ceremony ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) sa tatlong housing sites sa mga nasabing lungsod.

Hudyat ito ng pag-roll out ng “Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program: Zero ISF (informal settler family) 2028” ni Pangulong Marcos sa Visayas Region.

Sinabi naman ni DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar, ipinapakita lang ng administrasyong Marcos ang solidong pangako nito na matulungan ang mga informal settler families at low-income earners na magkaroon ng sariling bahay.

“Patunay din po ito sa sinseridad ng ating mahal na Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang pagnanais na maiahon ang ating mga kababayan sa kahirapan, sa pamamagitan ng ating Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program: Zero ISF 2028,” wika ni Acuzar.

Iniutos din ng Pangulo ang paggawa ng isang milyong pabahay kada taon sa susunod na anim na taon ng kanyang administrasyon.

Ito’y upang tugunan ang housing backlog na 6.5 million housing units sa bansa.

“Sa ilalim ng programang ito, iniutos ng ating Pangulo ang paggawa ng isang milyong pabahay taun-taon sa susunod na anim na taon ng kanyang administrasyon –yan ay upang masolusyunan ang housing backlog of 6.5 million housing units,” dagdag na pahayag nito. Kris Jose