HOUSING PROJECT ILAYO SA MGA KORAP, MANDARAMBONG

HOUSING PROJECT ILAYO SA MGA KORAP, MANDARAMBONG

January 14, 2023 @ 2:48 AM 4 weeks ago


KAHAPON binanggit nating hanggang ngayon ay nakatayo pa ang 416 taong San Agustin Church sa Intramuros, Manila.

Gayundin na buhay at nakatayo pa rin ang 4,700 taon at 6-palapag na Pyramid of Djoser sa Egypt at ang mahigit sa doble sa taas dito na 4,600 taong Great Pyramid of Giza sa Egypt pa rin.

Nais nating bigyangdiin ang tatag ng mga gusaling ito na nagtagal ng daan-daan o libo-libong taon sa kabila ng mga pangyayaring dapat sana’y matagal nang ikinaguho at hindi na natin masisilayan.

Ang San Agustin Church ay dumaan sa mga napakalalakas na lindol at bomba ng mga Hapon at Amerikano sa digmaan ngunit hindi ito nawasak.

Dumaan din sa mga lindol, bagyong buhangin at digmaan ang mga pyramid ngunit nakatayo pa rin sila.

Unang iisipin dito ang pagtatayo nang may pag-asang magtatagal sa mahabang panahon o hanggang magunaw ang mundo.

Nangangahulugang ibinuhos lahat ng mga gumawa nito ang pinakamatibay na materyales, pinakamahusay na disenyo at ginawa ng buong puso.

At isang napakahalaga, pagawa ang mga ito ng gobyerno sa kani-kanilang panahon.
Sa ngayon, napakaraming proyekto ang gobyerno.

Subalit lumindol lang ng konti, bitak-bitak o giba o gumuguho ang mga ito.

Hindi kailangang bagsakan ang mga ito ng mga bomba upang masira.

Kapag bumabagyo at umuulan, lumulubog ang mga ito.

Nagaganap ang mga ito dahil inuuna ang korapsyon at pandarambong sa paggawa.

Sa korapsyon at pandarambong, puro mga substandard ang materyales, wardi-wardi ang disensyo at sinasadyang maging marupok o hindi magtatagal ang mga ito upang sa maigsing panahon, magkaroon ng panibagong kontrata ang mga korap, mandarambong at mga kakosa nila.

Sana naman, ang anim milyong tahanan na nais itayo ng pamahalaan ni Pangulong Bongbong Marcos, eh, hindi sakmalin ng mga korap at mandarambong.

Sa halip, lukuban sila ng espiritu ng mga gumawa o nagpagawa ng San Agustin Church at ng mga pyramid.