HTAC may pagkukulang sa nasayang na 31M bakuna – Garin

HTAC may pagkukulang sa nasayang na 31M bakuna – Garin

November 24, 2022 @ 3:06 PM 1 week ago


MANILA, Philippines- Kinalampag ni House Deputy Majority Leader at Iloilo Representative Janette Garin ang Health Technology Assessment Council (HTAC) ang independent advisory council ng Department of Health(DOH), na maging mabilis at magpalabas ng napapanahong rekomendasyon lalo pagdating sa bakuna upang hindi na maulit ang P15.6 bilyong halaga o 31 milyong naaksayang COVID vaccine.

Ayon kay Garin, ang mandato ng HTAC na nabuo sa ilalim ng Republic Act 11223 o Universal Health Care Act, ay magbigay ng bisa sa DOH at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) kung ano ang dapat na gawing health interventions, ang HTAC Core Committee ang nagbibigay ng pinal na rekomendasyon base sa naging assessment o evidence appraisal ng HTAC subcommittees. Gayunpaman, nagkakaroon ng matagal na desisyon na inaabutan na ng pagka-expire ng mga bakuna.

“Isa sa masalimuot na katotohan sa Pilipinas ay ang bawat desisyon ng DOH ay dadaan muna sa HTAC na sa ilang pagkakataon ay nararapat, subalit may ilang sitwasyon na masyadong matagal ang rekomendasyon na bandang huli ay nawawalan na ng bisa gaya na lang sa nangyari sa COVID vaccine,” pahayag ni Garin.

Aniya, inasahan na nilang maraming maaksayang COVID vaccine dahil habang ang ibang bansa ay nagsisimula na ng kanilang booster shot, ang HTAC ay hindi pa nagdedesisyon  kung kailan ibibigay ang bakuna, hinihintay nito ang resulta ng kanilang isinagawang trials subalit ang ibang bansa ay nagbase na sa real world data, nakikita na maraming namamatay, marami ang nagkakasakit kaya nagsimula na ito agad na magbigay ng booster.

“Nakakapanghinayang talaga yung nagexpire na bakuna, although we saw it coming kasi kung maaaala nyo as early as June and July maigting na ang panawagan na pahintulutan ang unang booster kasi paparating na ang delta variant. Tumagal ito at pinayagan sometime in December pa, kung saan medyo madami na ang nainfect at madami na ang namatay at nang payagan ang  2nd booster ay dahil paexpire na ang bakuna,” ani Garin.

Sa laban sa infectious diseases, iginiit ni Garin na isang vaccinologist, na ang pagbabakuna ay laging epektibo sa harap ng infection, kaya dapat kung may outbreak sa unang kaso pa lang ay samantalahin na ito.

“You take advantage sa awareness ng mga tao kasi yon talaga ang panahon na madami ang magpapabakuna. If you miss that window, almost always kapag wala ka ng nakikitang namamatay, itinatakbo sa hospital,  nawawala ang adrenalin ng tao magpabakuna, yan ang behavior ng vaccination ever since,” dagdag pa nito.

Pinuna  ni Garin ang kawalan ng “flexibility” ng HTAC kaya maraming resources ang naaksaya, inihalimbawa nito ang nangyari sa COVID vaccine na bumili ng madaming bakuna ang private sector na gusto nilang  gamitin para sa booster shot subalit hindi agad pinagamit.

“Parang kumbaga masyadong by the book, empowering HTAC too much that all decisions of DOH will have to depend on the council na hind naman full time at walang accountability, what happens is maraming nasasayang na resources, so we really have to amend the UHC law na may mga killer provisions,” giit niya.

Bukas si Garin na maghain ng panukala sa Kamara para maamyendahan ang ilang probisyon na nagbibigay ng masyadong kapangyarihan sa HTAC, aniya, hindi nya inirerekomenda na i-abolish ang HTAC bagkus ay limitahan lang ang saklaw nito sa health tech assessment o ang pagtatakda sa pricing ng mga bibilhing resources at hindi na pakikialamanan ang program implementation upang maiwasan na magkaroon ng problema.

Umaasa ito na makakakuha sya ng suporta sa mga kapwa mambabatas para sa pag-amyenda sa ilang probisyon sa UHC law partikular sa sakop ng HTAC.

“I’ve been going around and advocating it, kailangan lamang maging bukas kasi medyo sarado ang iba. Meron ibang original authors ng UHC na parang ayaw ipagalaw, kasi hindi nila nakikita ang malalim na problema. This should really be corrected dahil nagigng kawawa ay ang taumbayan,” pagtatapos ni Garin. Gail Mendoza