HUBARAN, PAGKAKALUSIN ANG MGA ISKALAWAG

HUBARAN, PAGKAKALUSIN ANG MGA ISKALAWAG

August 10, 2018 @ 7:33 PM 4 years ago


 

Agree ang ULTIMATUM sa sinasabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na dapat makalos lahat ang mga iskalawag sa 190,000 police force, lalo’t marami ang papalit sa mga ito na tapat sa tungkulin.

Dapat ding kilalanin na mahalagang mensahe ang sinasabi ni Pangulong Digong na kanyang papatayin ang mga pulis na sangkot sa mga mabibigat na krimen nang makaharap ang mahigit 100 pulis na may kaso sa loob mismo ng Malakanyang.

Aanhin nga naman ang mga pulis na sumisira sa pamahalaan at sa buhay ng mga mamamayan?

Dapat silang makalos at maparusahan ng pinakamabigat na parusa, lalo na ang may gawa ng mga karumal-dumal na krimen gaya ng kidnapping for ransom, pagiging adik, tulak at protektor ng droga, rape, walang habas na pagpatay, korapsyon  at iba pa.

 

MAHIGIT 2,000 ISKALAWAG

Noong una, sinasabing nasa 1,000 lang ang iniuulat na iskalawag. Habang nagtatagal, umaabot na sa 3,000 pulis ang isinusumbong.

At nitong huli, nasa 2,000 na ang napatutunayang nagkasala at nasibak sa pulisya, kabilang na ang halos 400 na tuluyan nang nasibak.

Naparurusahan na rin umano ang mga nagkasala ngunit hindi nasibak sa pagkakaroon ng krimen o pagkakamali na walang katumbas na parusang dismissal from service.

Ngunit mayroon pa ring may mga kasong mabibigat na may parusang dismissal from service at pinaiiral sa mga ito ang tinatawag na due process.

Kabilang dito ang mga pulis na sunod-sunod na nasangkot sa mga kidnapping for ransom at extortion na may kasamang arbitrary detention.

Sampol dito ang ilang Manila Police, Muntinlupa Police, Laguna Police at Taguig City Police.

 

MAY PERA SA DROGA

Ayon mismo kina Philippine National Police Director General Oscar Albayalde at National Capital Region Police Office Director Guillermo Eleazar, napakalaking pagkakitaan ng mga iskalawag ang droga.

Sa bulung-bulungan sa hanay ng mga pulis at media, nagkakaroon ng agawan ng mga pulis sa kustodiya, lalo na ang mga druglord at iba pang may salaping sangkot sa droga na nahuhuli.

Nagmamalaki rin sa media ang ilang pulis na inuubos muna nila ang salapi ng mga sangkot sa droga bago tuluyang kasuhan o dedbolin ang mga ito.

Kaya naman, may mga hindi inirerekord na huli at pagpapalaya sa mga ito upang magpalabas ng malalaking halaga ng pera.

Kung hindi, eh, tutuluyan na ang mga ito hanggang sa magkaroon ng mga hindi kanais-nais na ending na ikinasisira ng imahe ng buong pulisya na hindi naman nararapat.

Kasamang gawa ng mga ito ang pagkumpiska ng mga droga na hindi iniulat ang pinakamalaking bulto kundi ang maliliit lamang at pinabebenta ang malalaking bulto na aabot sa kilo-kilo.

Kapag may kulang sa remittance, saka tinutumba ang mga nagbebenta, lalo na ang mga naaamoy nilang gusto nang magsumbong sa mga awtoridad.

May iba pang pinagkakaabalahan ang ilang iskalawag gaya ng pag-raid at pagkumpiska ng mga pekeng DVD pero ang mga nakumpiska ay pinabebenta sa iba.

 

INTERNAL CLEANSING

Ayon kina Chief Supt. Albayalde at Eleazar, pinaiiral nila ang matinding internal cleansing.

‘Yun bang === paglilinis mismo sa loob ng bakuran ng PNP.

Tatlong hakbang ang internal cleansing: Pamigil, Pagtutuwid at Pagpaparusa.

Upang mapigil ang pagpasok sa simula pa lang ng mga iskalawag na gustong magpulis, mahigpit na background check ang pinaiiral at pwedeng ilathala ang ngalan ng mga aplikante sa media para makatulong ang mamamayan sa pagsala sa mga ito.

Naririyan din ang pagtutuwid sa mga nagkakamaling pulis na pupwede pang magbago, lalo na ang mga may magagaan na kaso.

Subalit andiyan din ang pagpaparusa, kabilang na ang parusang dismissal, kung talagang mabigat na ang kaso.

Subalit sa lahat ng antas ng internal cleansing na ito, pinaiiral ang due process.

Binibigyan ang lahat ng mga pulis na may rekord ng pagkakataon na harapin ang kanilang mga accuser, magkaroon ng karapatang ipagtanggol ang kanilang mga sarili sa mga sumbong, kumuwestiyon sa mga ebidensya ng mga accuser at magprisinta ng kanilang mga sariling ebidensya laban sa akusasayon, pagkakaroon ng sariling abogado at pagpapatunay ng kanilang kainosentehan sa mga sumbong.

 

TOTOONG MALINIS

Sana nga, walang cover-up sa mga nasasakdal o isinusumbong ng mga mamamayan na police scalawag.

Kung paano hinuhubaran ni Heneral Eleazar ng mga takip sa mukha ang mga pulis na nahuhuling sangkot sa krimen at pinahaharap sa media, ganito rin sa mga kasong kinakaharap ng mga iskalawag.

Kung magpapatuloy ang sistema ng mga iskalawag, sabi ni Pangulong Digong sa giyera sa droga, it is chilling.

Mapupwersa ang mga pulis na hindi gumawa ng krimen at sadyang kamalian, titino sila at manunumbalik nang buo ang tiwala ng taumbayan sa pulisya at sa pamahalaan sa kabuuan.

oOo

Anomang reaksiyon o reklamo ay maaaring iparating sa 09228403333 o i-email sa [email protected] – ULTIMATUM NI BENNY ANTIPORDA