HUDIKATURA

HUDIKATURA

November 7, 2022 @ 1:30 AM 4 weeks ago


“… [A]n independent judiciary is the crown jewel of our constitutional republic.”  – Justice Brett Kavanaugh

MULING nabigyang-pansin kamakailan ang kontrobersyal na Marcos tax case at ang posibilidad na mabuksan itong muli.

Nabigyang-pansin din ang napaulat na pahayag ni Punong Mahistrado Alexander Gesmundo na “No judgment of the court is set in stone.”

Tunay na ito ay nagpapakita lamang ng malaking papel na gina­gampanan ng Hudikatura (Judiciary)—sa pamumuno ng Korte Suprema—sa ating sistema ng pamahalaan. (Ang dalawa pang sangay ng  pamahalan ay ang Ehekutibo [Executive] at Lehislatibo [Legislative].)

Ang Lehislatibo mismo ay kinikilala ang awtoridad ng hudisyal na departamento bilang mataas na tagapagpaliwanag ng Konstitusyon at mga batas.

Ayon sa Article 8 ng ating Civil Code, ang mga hudisyal na desis­yon na nagpapaliwanag at  nagbibigay aplikasyon sa ating mga batas o Konstitusyon ay parte o bahagi rin ng ating legal system. 

Hindi maitatanggi na ang mga desisyon ng Korte Suprema ay mayroong tunay at pang-matagalang epekto sa buong lipunan—hindi lang para sa mga abogado at hukom; and Korte Suprema ay nagsisilbi rin bilang “Court of Last Resort,” “Guardian of the Constitution,” at “Last Bulwark of Constitutional Rights and Liberties.”

Kapag ang batas (statute) ay lumalabag o taliwas sa Saligang Batas, hindi lang karapatan bagkus, katungkulan din ng hudikatura na ideklara ang nasabing batas na walang bisa at “unconstitutional”.

‘Pag magkasalungat ang Saligang Batas at ang batas, ang una ang laging mananaig. Lahat na uri ng batas (domestic o international) ay dapat naaayon sa Saligang Batas. 

The Balancing Branch

Tinaguriang “the Balancing Branch”, ang hudikatura ay nagsisilbi ring “umpire” o “referee” ng “constitutional structure of government.”

Sa ilalim ng Saligang Batas, sa panahon na mayroong tunggalian ng kapangyarihan, ang hudisyal na sangay ang tanging “constitutional organ” na naatasan na tumukoy ng tamang alokasyon ng kapangyarihan sa pagitan ng o kabilang sa iba pang sangay ng pamahalaan.  

Sa taglay na “power of judicial review” ng Korte Suprema, sa tuwing ipawawalang bisa nito ang aksyon o gawa ng ibang sangay ng pamahalaan na hayagang lumalabag sa ating Saligang Batas, ang Saligang Batas ang s’yang nananaig. Kaya nga sa huli, ang Konstitus­yon—’di ang hudikatura—ang tunay na supremo o makapangyarihan.

Judicial Independence

Napaka-importante na mayroon tayong malayang hudikatura.

Kaya naman tiniyak ng mga bumalangkas ng 1987 Constitution na mayroong provisions na kumikilala sa independence ng hudikatura.

Ang mga sumusunod ay mga “indicia” o palatandaan ng independence ng hudikatura at ng Korte Suprema: (1) Ang SC ay isang constitutional body at ‘di ito pwedeng buwagin ng Lehislatibo; (2) Ang mga miyembro ng SC ay maaalis lang sa pamamagitan ng impeachment; (3) ‘Di pwedeng alisin ang minimum original at appellate jurisdiction ng SC; at ang appellate jurisdiction nito ay ‘di pwedeng dagdagan nang wala nitong payo at pahintulot; (4) Ang SC ay may administrative supervision sa lahat ng mababang hukuman at mga personnel nito; (5) Ang SC lang ang may kapangyarihang dumisiplina sa mga hukom ng mga mababang hukuman/korte; (6) Ang mga miyembro ng hudikatura ay ‘di maaaring italaga sa anomang ahensya na may quasi-judicial or administrative functions; at (8) Ang sahod ng mga hukom/mahistrado ay ‘di pwedeng bawasan; ang hudikatura ay may fiscal autonomy. 

 

Public Confidence

Tinuturing ng legal scholars na “weakest branch” ang hudikatura sapagkat wala itong sakop o impluwensya sa tinatawag na “sword” (military power) o “purse” (financial resources).

 

Kaya kailangan nating tandaan na ang kapangyarihan o awtoridad ng hudikatura ay nakasalalay (sa lahat ng oras) sa patuloy na suporta ng taumbayan—or “solely upon the approval of a free people” (ayon kay US Chief Justice Edward White). Ang awtoridad ng Korte Suprema ay nakasalalay sa tinatawag na “sustained public confidence in its moral sanction” (ayon kay Justice Felix Frankfurter).