Hukay sa Bilibid ipasisilip ng BuCor sa COA sa anomalya

Hukay sa Bilibid ipasisilip ng BuCor sa COA sa anomalya

November 21, 2022 @ 1:39 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Humiling na ang Bureau of Corrections sa Commission on Audit (COA) na suriin ang isyu na umiikot sa mismong ahensya partikular na ang mga kontrobersiya na nakapaloob sa isang malaking hukay sa New Bilibid Prison.

Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla nitong Lunes, Nobyembre 21, mismong si BuCor acting chief Gregorio Catapang ang nagpasa ng request letter sa COA upang magkasa ng audit sa mga isyu na kinasangkutan sa pamumuno ni suspended chief Gerald Bantag.

Agad din naman na bubuo ng special audit team ang COA sa oras na matanggap na nila ang naturang request letter.

“Pinapatrabaho na ni acting Director General Catapang. ‘Yang bagay na ‘yan pinatitingnan niya sapagkat may problema talaga tayo diyan sa mga ginastos na pera tungkol dito,” sinabi ni Remulla sa panayam ng TeleRadyo.

“May request letter na si acting Director General Catapang sa bagay na ito at basta nakuha ng COA ‘yan ay gagawa sila ng special audit team para tingnan itong mga nangyayaring ito,” dagdag pa niya.

Idiniin din ni Remulla na ang BuCor ang ikalawa sa may pinakamalaking budget sa ilalim ng Department of Justice kasunod ng National Prosecutor’s Office.

Sa kasalukuyan ay isinasapinal na lamang ng mga imbestigador ang ulat bago makapaghain ng kaso ang DOJ laban sa mga sangkot sa paghuhukay sa NBP. RNT/JGC