HULA-HULA NG GLOBAL FINANCE SA KALIGTASAN SA PINAS

HULA-HULA NG GLOBAL FINANCE SA KALIGTASAN SA PINAS

July 12, 2021 @ 2:28 PM 1 year ago


SAAN kayang basurahan nakuha ng Global Finance Magazine ang mga datos o rekord nito upang ilagay ang mahal kong Pinas sa pinakakulelat na bansa sa usapin ng kaligtasan o safety ng mga mamamayan?

Kamakailan, inilabas ng nasabing magazine ang sarbey nito sa 134 bansa at nasa ika-134 tayo sa listahan sa tinawag nitong World Safest Countries 2021.

Heto ang sinukat ng nasabing magazine upang palabasin ang hula-hulang balita nito: giyera at kapayapaan, personal na seguridad, kalamidad at coronavirus disease-19.

GIYERA AT KAPAYAPAAN

Sabi ng magazine, matindi umano ang ‘civil war’ sa Pilipinas at ito ang isa sa dalawa na pangunahing sinukat nito.

Nasaan ‘yang civil war o giyera sa pagitan ng pamahalaan at mamamayan?

Kahit sino ang tanungin mo, walang nagaganap na ganito.

Kung meron mang giyera, walang iba kundi giyera laban sa terorismo at droga.

Mga terorista lang ang nanggugulo subalit sa mangilan-ngilang lugar lang nagaganap ito at wala sa kalakhan ng bahagi ng bansa.

Mga sangkot sa droga rin ang ayaw magbago at patuloy ang mga ito sa kanilang krimeng lasunin ang mga mamamayan at karaniwang armado ang mga ito sa pamiminsala.

Pero suportado ng mga mamamayan ang mga giyerang ito at bibihira ang tumitingin dito na malawak na kaguluhan.

GRABENG KALAMIDAD

Totoong maraming kalamidad sa bansa na isa sa pinagdidiinan ng magazine.

Pero lahat ng bansa ay pare-parehong sinasalakay ng mga kalamidad.

‘Yun bang === walang bansang makapipigil sa kalamidad na dala ng mga bagyo, baha, lindol, putok ng bulkan at iba pa

Ang totoo, natuto na ang pamahalaan sa paghahanda sa mga kalamidad na nagmumula sa kalikasan.

Bukod sa maramihang paglilikas at pagtatayo ng mga evacuation center at pag-aasikaso sa mga bakwit, mabilis na tumutugon ang pamahalaan gaya ng pagpapalawak at pagpapalalim ngayon sa Cagayan River na sinalanta ng baha ng bagyong Ulysses.

Mismong ang mga tao ay alerto na rin at maganda ang kooperasyon ng mga ito at ng mga pamahalaang pambansa at lokal.

Napakaganda na rin ang bunga ng pagkakaroon ng internet sa halos lahat ng mga lokal na pamahalalan na roon nagkakaroon ng kaugnayan ang pamahalaan at mga mamamayan laban sa dumarating mga kalamidad at maging sa mga biglaang kalamidad na dala ng lindol at iba pa.

Hindi matatawaran ang pustang-buhay na search and rescue ng mga sundalo, pulis at mga sibilyan sa mga kalamidad at buhay na buhay ang diwa ng bayanihan.

PERSONAL NA SEGURIDAD

Karaniwang galing sa mga kriminal at terorista ang pinagmumulan ng mga pag-atake sa mga mamamayan.

Meron ding mga napapraning na mga taga-pamahalaan pero bibihirang mangyari ito.

Ang katanungan: ligtas ba ang mga mamamayan sa pangkalahatan mula sa kriminalidad, terorismo at praning na mga tauhan ng pamahalaan?

Oo naman.

Simula noong nalunsad ang giyera sa droga, ramdam na ramdam na ang pagiging ligtas ng mga mamamayan sa mga lansangan, tahanan at opisina, kahit gabi.

Tanungin na lang ninyo ang libo-libong delivery boys and girls na nakalantad ang mga cellphone, mga magulang ng mga batang mag-aaral at mga nasa tahanan.

Kung may mga nagaganap mang patayan sa pagitan ng mga nasa pamahalaan at terorista, paisa-isa lamang at bunga ito ng giyerang laban sa terorismo.

Agad namang dinarakip, dinidisarmahan, binibilanggo at sinisibak sa serbisyo ang mga praning sa bahagi ng pamahalaan.

Kung tutuusin nga, hindi na kailangang igiit ni Philippine National Police chief Guillermo Eleazar na 63 porsyento na ang ibinaba ng krimen sa buong bansa, bagama’t mahalaga ito bilang pagpapatunay ng tunay na kalagayang ligtas ang mga mamamayan sa kamay ng mga kriminal, terorista at praning.

ANG COVID-19

Unang-una, nagpapasalamat tayo nang lubos sa hindi gaanong pagpasok ng Delta o India variant sa Pilipinas.

Kilala ang Delta variant na napakabagsik at napakabilis manghawa.

Nananatili mang naglalaro ang patay sa humigit-kumulang sa 100 araw-araw, kahit papaano nasa 5,000 lang ang nagkakasakit araw ngayon.

Nagkakabunga nang maganda ang pagiging istrikto ng pamahalaan sa pagkakaroon ng border control sa pagitan ng Pilipinas at ibang bansa at border control din sa pagitan ng mga lokal na pamahalaan.

At maganda na ring umaabot sa nasa 200,000 ang nababakunahan araw-araw laban sa COVID-19.

Maaaring sa araw na lalabas ang ulat nating ito, nasa 13 milyon na ang nabakunahan, kabilang na ang nasa 3 milyon nang may doble bakuna.

Magdasal lang tayo na bumuhos at hindi magkaroon ng aberya ang pagdating ng mga binibili nating mga bakuna at bigay ng Covax facility ng World Health Organization.