HULIDAP, MIDDLEMAN AT ITLOG

HULIDAP, MIDDLEMAN AT ITLOG

January 21, 2023 @ 1:40 PM 6 days ago


“NOON, tig-isa ang bawat miyembro ng pamilya ng itlog na ulam.

“Ngayon, isa o dalawa na lang para sa anim na miyembro ng pamilya.

“Basta batihin nang husto at pagkatapos nito, ilagay sa malapad na palayok o kawali para maging malapad ang lutong itlog.

“Dito na hihiwa-hiwain ayon sa bilang ng pamilya.”

“Pwedeng samahan ng isang tumpok ng kamatis na P10 ang halaga pero huwag na huwag gagamit ng sibuyas dahil napakamahal.

“Ang totoo, hindi naman kailangan ang sibuyas, basta may asin, may iodine o wala, oks na!”

Ito ang karaniwan na nating naririnig mula sa mahihirap na pamilya na itlog ang almusal o ulam sa tanghalian o hapunan.

Opkors, masustansya ang itlog, may dalang protina, kaya malaki na ang maitutulong nito laban sa malnutrisyon.

Pero kung dati-rati, tig-isa ang bawat miyembro ng pamilya, ngunit ngayon, dalawang itlong na lang ang para sa 6 na tao, aba, hindi na tayo magtaka kung…bobo ang bata na nag-aaral; sakitin at laging maputla o anemic ang lahat ng miyembro ng pamilya; maigsi ang buhay; malnuris ang anak; madaling ma-COVID ang senior citizen; at marami pang iba.

Ito’y dahil, kulang na kulang na ang ulam, kulang na kulang pa sa sustansya.

Hindi umuubra ang payo ng mga doktor at dietician na kumain ang mga mahihirap ng masusustansiyang pagkain upang magiging malusog sila.

Ang mga ugat ng problema sa pagtitipid sa ulam na itlog?

Dapat ito ang pag-aralan mismo ng pamahalaan.

Hindi sapat na sabihin milyones ang nawalang paitluging manok dahil sa bird flu at nagmahal ang feeds at produktong petrolyo.

Baka naman isama sa pag-aaral at matinding pagdidisiplina sa mga switik at mapagsamantalang trader o middleman sa negosyong itlog.

At ayudahan nang husto ang mga magmamanok at egg producer sa gitna ng peste, pagmahal ng feeds, transportasyon, korapsyon o hulidap sa lansangan at iba pa.