Huling apat na bata at coach na na-trap sa kuweba sa Thailand, nasagip na!

Huling apat na bata at coach na na-trap sa kuweba sa Thailand, nasagip na!

July 11, 2018 @ 11:10 AM 4 years ago


 

CHIANG RAI, Thailand- Nasagip na ang natitirang apat na batang lalaki at kanilang soccer coach na na-trap ng mahigit sa dalawang linggo sa isang nabahang kuweba sa Thailand, ayon sa Thai navy SEAL unit kahapon (July10).

“The 12 Wild Boars and coach have emerged from the cave and they are safe,” ayon sa post ng SEAL unit sa official page sa Facebook.

Na-trap ang grupong “Wild Boars” kasama ang kanilang coach noong June 23 habang naglalakbay sa kuweba sa hilagang bahagi ng probinsya ng Chiang Rai matapos ang kanilang praktis na sinabayan naman ng masamang panahon kaya’t binaha ang mga tunnels sa kuweba.

Natagpuan ng mga Brittish divers ang gutom na gutom na mga indibwal sa madilim at maputik na bahagi ng kuweba noong Lunes ng nakaraang buwan.

Matapos magsagawa ng plano para masagip ang 13 sa kuweba, nilunsad na ang rescue operation noong Linggo at apat na batang lalaki ang unang nailabas.

Apat pa ang muling nasagip noong Lunes at ang huling apat naman at ang kanilang coach ay nasagip naman kahapon (July 10).

Nagtagumpay man sa pagsagip sa 13 na indbidwal, umapaw naman ang kalungkutan para sa yumaong former Thai navy diver na namatay noong Biyernes matapos itong maubusan ng oxygen habang isinasagawa nag re-supply mission sa loob ng kuweba.

Agad na nilagay sa stretcher isa-isa ang limang huling nailigtas at inilipad ng helicopter papuntang ospital.

Tatlong miyembro naman ng SEAL unit at isang army doctor ang nanatili sa tabi ng mga batang lalaki simula noong natagpuan ang mga ito kung saan sila ang huling tao na lumabas ng kuweba, sabi pa ng unit.

Ang mga opsiyal naman ay hindi nagkokomento tungkol sa rescue mission habang ito ay isinasagawa kaya’t hindi pa rin malinaw ang kundisyon na ng misyon kahapon.

Ang walong bata na naunang nailigtas noong Linggo at Lunes ay mayroong ‘good health’ at ang iba pa nga ay naghahanap pa ng chocolate bread para sa almusal, sabi ng opsiyal.

Dalawa naman bata ang kinakitaan ng lung infection pero ang apat mula sa unang grupo na na-rescue ay nakakapaglakad na sa ospital.

Hindi naman kinumpirma ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga nailigtas na bata habang ang mga magulang naman nila ay hindi rin sinasabihan kung sila ay naligtas na. Hindi rin sila puwedeng bumisita sa ospital kung saan dinala ang mga bata.

Ang mga nailigtas na bata ay hindi kinilala bilang respeto sa mga pamilya na hindi pa naililigtas ang kanilang anak sa kuweba, sabi ng opisyal.

Kasalukuyang nasa quarantine ang mga bata dahil sa banta ng impeksyon at maari pang manatili sa ospital ng isang linggo para sumailalim sa mga test, sabi ng opisyal kahapon. (Remate News Team)