Huling araw ng voter registration, umarangkada!

Huling araw ng voter registration, umarangkada!

January 31, 2023 @ 10:10 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Mga kabataan ang pinakamaraming registrants ngayong 2023 Barangay at Sangguniang Kabataang election, sinabi ni Comelec Commissioner George Garcia sa kanyang pagbisita sa huling araw ng voter registration sa SM Manila ngayong Martes ng umaga.

Kasabay nito ay muling nanawagan si Garcia sa mga karapat-dapat na mga botante na magparehistro na ngayong araw dahil hindi na aniya ito palalawigin pa.

Kung meron aniyang extension, ito ay ang oras lang.

“Ang atin pong instructions sa lahat ng ating field personnel, lahat ng registration site kung matatapos po dapat ng registration ng alas tres ng hapon– sabi po natin i-extend, sige– hanggang alas singko,” aniya.

Sinabi niya na lahat ng nakapila na malapit sa registration site ay payagan na magparehistro ngunit hanggang ngayong araw na lamang.

Inaasahan naman ng Comelec na aabot ng hanggang 2 milyon nag projection na dagdag na bilang ng mga registrants.

Samantala, sinisilip ng Comelec na magpalabas ng voter’s identification cards.

Sinabi ni Garcia na pinag-iisipan na lamang nila ang tamang polisiya hinggil dito.

Pagtitiyak niya, maglalabas ang Comelec ng magandang klase ng ID.

Gayunman, nilinaw ni Garcia na ang ilalabas na ID ay opsiyonal lamang at hindi mandatory.

Sa ngayon ay wala pa ulit ipinalalabas na ID ang komisyon para sa registered voters nito simula pa noong 2015. Jocelyn Tabangcura-Domenden