Huling kuwentuhan sa inang si Susan Roces, ibinahagi ni Poe

Huling kuwentuhan sa inang si Susan Roces, ibinahagi ni Poe

May 23, 2022 @ 3:05 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Sinariwa ni Senador Grace Poe ang kanyang huling kuwentuhan sa inang si Ms. Susan Roces bago ito pumanaw nitong Sabado sanhi  ng cardiopulmonary attack o atake sa puso na kasalukuyang nakaburol sa Heritage Park sa Taguig City.

Sa panayam, sinabi ni  Poe na kanyang naalala ang sinabi ng kanyang ina noong tumakbo itong Pangulo na pinutakte siya ng batikos hinggil sa pagkuwestiyon sa kanyang pagkatao at pagsilang.

Aniya, lubhang nasaktan ang kanyang ina nang sabihin na hindi ito puwedeng tumakbong Pangulo dahil isa siyang dampot.

“Kaya nga nu’ng sinasabing, ‘Hindi ka pwedeng tumakbo dahil ikaw ay hindi natural born citizen kasi dampot ka lang.’ Nagalit siya, nasaktan, siyempre ‘di ba?” ayon kay Poe.

Kaya nang malagdaan ang Foundling Law, lubhang ikinatuwa ng kanyang Ina ang naturang balita.

“Sabi ko, ‘Mom, I have good news.’ Naisa-batas na ‘yung batas para ipakilala or to recognize ‘yung mga batang na-abandona,”  ayon kay Poe.

“Sabi ko, ‘No, mom. Congratulations to you! Because of our case and because of your diligence,’ ‘yung pagiging maayos niya na siguradong dapat ‘yan nasa ayos ang mga papeles niya, nagkaroon ng basehan ang mga lehislaturang ganitong klase,” ani pa ni Poe.

Ayon kay Poe, bago dalhin sa ospital ang kanyang ina, nag-usap sila ng kanyang kaibigan kaya noong bandang tanghalin, nabalitaan niyaa ng pagsasabatas ng Foundling Law.

“Mga bandang tanghali, nabalitaan namin ‘yung batas ukol sa pagkilala sa mga nadampot na bata o foundlings ay naisabatas na, napirmahan na. So excited ako nu’n, tinawagan ko siya, tapos sabi pa niya sa akin, ‘Congratulations,’ kasi imagine, ipinaglaban niya ‘yan para sa akin matagal na, na magkaroon ng patas na karapatan ang mga batang naabandona,” ayon kay Poe.

“Tapos sabi ko, ‘Ma, not congratulations to me alone, congratulations to you because if not for you and for this advocacy that you fought for, hindi ito magiging ganito. Hindi ako magiging nasa ganitong pagkakataon sa buhay,” dagdag ng senadora.

Kaya dahil dito, sinabi ni Poe na masayang namayapa ang kanyang ina.

“So masaya siya, tapos alam mo, pagkatapos nu’n, parang naiba na. ‘Yun na ang huling pag-uusap namin kaya napakasymbolic nga, parang inintay nya, pero pagkatapos nu’n, nu’ng dinala na namin siya sa ospital, parang wala sa sarili, tapos nagko-complain siya na may pain siya. So nu’ng dinala namin sa ospital, ang pinagbibilin niya palagi ‘yung mga apo niya na kailangan daw dalhin namin sa Baguio ‘yung mga bata, tapos ang bahay daw ng Papa ko doon, ayusin ko daw para ‘yung mga bata pwede daw magbakasyon doon. ‘Yun ang mga naiisip niya,” patapos ng mambabatas. Ernie Reyes