Huling lugar sa mundo na walang COVID, inatake na ng virus

Huling lugar sa mundo na walang COVID, inatake na ng virus

January 30, 2022 @ 9:42 AM 8 months ago


Kiribati – Hindi tumalab ang baytang-baytang na inilatag na health protocol para mapigilang mapasok ng coronavirus disease 2019 ang nag-iisang lugar sa buong mundo na hindi pa nadadapuan nito.

Sa ulat, pormal nang binuksan sa wakas ng Kiribati ang kanilang independyanteng islang nasyon.

Unang pinapasok dito ang Church of Jesus Christ of Latter-day Saints na kumuha ng eroplano para mapauwi na rin ang 54 na residente ng isla.

Marami sa sakay ng eroplano ay mga misyunaryo na umalis sa Kiribati para sa kanilang misyong pagpapalaganap ng kanilang paniniwala.

Bago bumyahe papasok ng isla, tatlong beses na isinailalim sa COVID-19 test ang mga pasahero sa kalapit na isla ng Fiji.

Dagdag pa rito, sinigurong ang lahat ng papasok sa isla ay dapat bakunado at pagdating sa isla ay isasailalim sa dagdag na test, at kwarantin.

Pero, hindi ito naging sapat.

Sa anunsyo ng isla, higit sa kalahati ng pasahero ang nagpositibo sa virus na kumalat na maging sa komunidad.

Dahil dito, agad na nagdeklara ang gobyerno ng “state of disaster.”

 

Inabisuhan ang mga residente na manatili sa kanilang mga bahay at ipinagbabawal ang social gathering.

Ito ang kauna-unahang pagpapatupad ng nasyon ng lockdown simula nang kumalat ang COVID noong 2019.

Nasa 36 na positibong kaso ang kanilang naitala mula sa mga byahero na agad lumobo sa 181 kaso nitong Biyernes.

Ang Kiribati ay isa sa pinaka-isolated na isla sa buong mundo. RNT