Human rights sa police operation tiniyak ng PNP

Human rights sa police operation tiniyak ng PNP

December 5, 2022 @ 3:36 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) nitong Lunes, Disyembre 5 na sisiguruhin nitong mapapangalagaan pa rin ang karapatang-pantao kasabay ng pagpapanatili sa kapayapaan at kaayusan ng bansa.

Ito ang sinabi ni PNP chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. kasabay ng pagdiriwang ng National Human Rights Consciousness Week (NHRCW).

Ayon kay Azurin, mahalaga ang selebrasyong ito na sumabay pa sa ika-74 anibersaryo ng Universal Declaration of Human Rights (UDHD) na may temang “Pagtaguyod at pagsulong ng mga Karapatang Pantao tungo sa Matatag na Pundasyon ng Kapayapaan, Katarungan, Kalikasan, Kaunlaran, At Bayanihan”.

Dagdag niya, maipagmamalaki ng pamahalaan ang PNP sa pagiging aktibo nito sa human rights advocacy sa pamamagitan ng pagprotekta sa karapatang-pantao at pagpaparusa sa mga lalabag sa batas.

“By law and by demands of faith and morality, we in law enforcement are called upon to uphold civil, political, economic and socio-cultural rights. We do so, not only because the law demands it; we must uphold human rights simply because it is the right thing to do,” pagdidiin ni Azurin.

Ipinaalala din sa mga tauhan ng PNP na bilang mga pulis, kasama sa sinumpaan nilang tungkulin ay ang respeto at pagprotekta sa karapatang pantao kasabay ng pagpapanatili ng peace and order at pagpapatupad ng batas sa bansa.

“Indeed, human rights is the first business of policing. As I have always emphasized, this is not just a sacred and cherished tradition, but a way of life in the PNP. Thus, we, in the PNP including the military and the government as a whole, are the true defenders of human rights,” aniya. RNT/JGC