Human rights violations at rehab plan sa Marawi City, ipinasisiyasat sa Kamara

Human rights violations at rehab plan sa Marawi City, ipinasisiyasat sa Kamara

June 27, 2018 @ 3:14 PM 4 years ago


 

Marawi City -Hiniling kahapon ng mga mambabatas na kaanib sa Makabayan Bloc ng Kamara na magsagawa ng House Inquiry ukol sa mga human rights violations sa Marawi City gayundin ang kapalpakan sa ginagawang rehabilitasyon dito dahil makalipas ang isang taon ay sadlak pa rin umano sa kahirapan ang mga residente.

Sa inihaing House Resolution 1973, sinabi ng Makabayan Bloc na walang direksyon ang pagbangon sa Marawi City, isang taon matapos ang opensiba ng Maute Group sa lalawigan ay tulala pa din ang mga residente sa kung paano babangon sa isang babangungot.

Iginiit ng Makabayan Bloc na maraming dapat na siyasatin ang Kamara sa ginagawang Marawi Rehabilitation, una na dito ang kawalan ng malinaw na plano para sa Marawi at kung bakit nabibitin ang mga proyekto na makalipas ang 1 taon ay wala pa ding nasisimulan at ang human rights violations na inirereklamo ng mga residente.

Sinabi ng Makabayan Bloc na dapat din silipin ng Kamara ang mga proyekto lalo at exempted ito sa public bidding at mayroong nakarating sa kanilang reports na bulto ng mga proyekto ay ibinigay sa contractor na Power China na sinasabing blacklisted sa Pilipinas. (Gail Mendoza)