Human trafficking sa group tours ng dayuhan, pinaimbestigahan ni Poe

Human trafficking sa group tours ng dayuhan, pinaimbestigahan ni Poe

September 15, 2022 @ 6:01 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Nanawagan si Senador Grace Poe sa awtoridad na kaagad imbestigahan ang hinihinalang human trafficking na isinasagawa ng sindikato na nag-oorganisa ng foreign tours upang makopo ang kanilang biktima.

Sa kanyang pahayag pagkatapos ng isinagawang pagdinig ng Senate committee on public order and dangerous drugs na pinamumunuan ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa sa kidnapping, sinabi ni Poe na kailangan ang mahigpit na koordinasyon ng pulisya at kinauukulang ahensiya ng pamahalaan sa gitna ng sunod-sunod na kidnapping kabilang ang kaugnayan nito sa pagsasamantala sa kababaihan.

“Ang nangyayari raw, may mga turistang pumupunta rito, pagdating nila rito nakikidnap sila tapos binebenta sa isang sindikato. ‘Pag nabawi na nu’ng sindikato yung nagastos nila saka lang pakakawalan ‘yung mga turista,” ayon kay Poe.

“Malaking hamon sa pulisya natin ito kaya kailangan talaga ang koordinasyon at dapat simulan natin na mag-imbestiga,” dagdag ni Poe.

Sinabi pa ni Poe na dapat paigtingin din ng Bureau of Immigration ang pagsusuri sa dayuhan na pumapasok sa ating bansa upang matiyak na lehitimong bisita sila at hindi ipinupuslit na indibiduwal.

Hinikayat din ni Poe ang PNP na makipagtulungan sa ilang organisasyon katulad ng Philippine Chinese Chamber of Commerce and Industry Inc. na humingi ng tulong kamakailan sa pamahalaan kasunod ng 56 kaso ng kidnapping sa 10 araw na iniulat ng grupo.

Binanggit din ni Poe ang data na ipinakita ng PNP Directorate for Legislative and Detective Management na nagpapakitang mayroong kabuuang 8,525 index crimes ang naganap mula Enero hanggang Marso ng taong kasalukuyan at hiwalay na 8,469 krimen mula Hunyo hanggang Agosto 2022.

“Base sa datos na ito, gusto ko lang ipunto na ibig sabihin may pangkaranwiang 15 murder art homicide, 14 rape cases at 14 robberries na nangyayari kada araw. Reported ito. Normal ba ng ganitong sitwasyon,” tanong ni Poe.

“Kaya maitatanong natin na ang sinasabi ng PNP sa nakaraang mga araw na walang pagtaas ng krimen, alingasngas lang ito,” dagdag niya.

Nauna nang naaalarma si Poe hinggil sa napaulat ng torture, panggigipit at panggagahasa ng mga kidnap victims kabilang ang dayuhan.

Napaulat na may ilang kumakalat na videos ng ganitong uri ng pagmamalupit na ipinadadala sa pamilya ng biktima upang humingi ng malaking halaga.

“Hindi ba nag-aalala ang awtoridad hinggil sa posibilidad na lumobo ito,” tanong ni Poe.

Sinabi pa ni Poe na kailangan magtalaga ang PNP ng tagapagsalita upang magpalabas ng official statement at data hinggil dito.

“Nitong nakaraan, ang daming nagsasalita, Dapat mayroong tagapagsalita ang PNP. Malinaw at sigurado ang impormayson na makatutulong sa paglutas ng problema sa kinahaharap natin hinggil sa kidnapping,” giit ni Poe. Ernie Reyes