Human trafficking sa Myanmar tututukan ng DMW

Human trafficking sa Myanmar tututukan ng DMW

November 24, 2022 @ 9:05 AM 1 week ago


MANILA, Philippines – Naalarma ang Department of Migrant Workers (DMW) sa illegal recruitment activities na nag-aalok ng “customer service relations” o “technical support” staff sa mga kumpanya na pinatatakbo ng mga Chinese sa border ng Myanmar at Thailand.

Sinabi ni DMW Sec. Susan Ople, na nakipagpulong na ito sa 10 mula sa 12 nasagip na biktima ng Chinese call center na nakabase sa liblib na lugar sa Myanmar malapit sa border ng Thailand.

Naglabas na rin ng advisory ang DMW laban sa iniaalok online ng pansamantalang trabaho sa Myanmar para sa POGO (Philippine Offshore Gaming Operators)- pero mga force labor at human trafficking.

Ayon kay Ople, dumaan ang mga biktima sa malubhang sakit sa pag-iisip at pinagbantaan ng may pisikal na pang-aabuso

Nagpasalamat naman ang kalihim kay Senator Risa Hontiveros dahil katuwang ng DMW ang tanggapan ng mambabatas at Department of Foreigh Affairs (DFA) sa pagrescue sa mga biktima.

Ayon kay Ople, ang mga biktima ay na-recruit via Facebook at pinangakuan ng monthly salary na P40,000 para sa anim na buwang pagtatrabaho bilang “data encoders, customer service relations and technical support” staff.

Kwento pa aniya ng mga biktima na pinaniwala silang magtatrabaho sa Thailand pero nauwi sa isang “technopark” sa liblib na lugar sa Myanmar.

Sa dating app at iba pang mga platform ng social media rin naghahanap ang mga biktima nang potential bitcoin investors.

Nauna nang sinuspinde ang deployment ng mga OFW (overseas Filipino worker) sa Myanmar sa pamamagitan ng Advisory No. 54 na nilagdaan ni Acting POEA (Philippine Overseas Employment Administration) Administrator at DMW Undersecretary Bernard Olalia noong Agosto 2, 2022.

Binalaan sa advisory ang mga OFWs na nag-a-apply sa Myanmar dahil sa patuloy na karahasan at armadong tunggalian sa bansa pati na rin ang pagtaas ng insidente ng illegal recruitment at human trafficking.

Samantala, inatasan na ni Ople ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), isang attached agency ng DMW, na tulungan ang mga nasagip na biktima at magbigay ng overnight accomodations gayundin ang shuttle services pauwi sa kanilang mga tahanan sa Metro Manila, at air transit para sa mga babalik sa mga probinsya.

Pagkakalooban din ng OWWA ng P10,000 ang bawat isa sa mga biktima habang tiniyak ni Ople ang tulong sa job placements overseas man o local. Jocelyn Tabangcura-Domenden