Human trafficking talamak pa rin sa bansa – Villar 

Human trafficking talamak pa rin sa bansa – Villar 

July 26, 2018 @ 1:50 PM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Sa kabila nang umiiral na batas, talamak pa rin ang human trafficking sa bansa dahil may ilang Filipina ang nasagip mula sa Malaysia na niloko ng mga illegal recruiters upang magtrabaho bilang entertainer sa naturang bansa.

Inihayag ito kahapon ni Senator Cynthia Villar matapos pagkalooban ng livelihood assistance ang tatlong OFWs na nasagip mula sa isang sex den sa Malaysia.

Ayon kay Villar, dumating kamakalawa, dakong alas dos ng hapon ang mga biktima sa Ninoy Aquino International Airport mula sa Malaysia na itatago sa pangalang Mary Rose, Julie Ann at Ailene, pawang mga taga-Bataan.

“Hindi na bago ang ganitong panloloko sa ating mga kababayan noon pa man sa pamamagitan ng pangako ng mga recruiter ng isang magandang trabaho kapalit ang malaking suweldo upang maenganyo ang ating mga kababayan lalo na ang mga nasa probinsya na kagatin ang kanilang inaalok. At pagdating nila sa bansang kanilang pupuntahan, doon nila malalaman na hindi ang trabahong ipinangako sa kanila ang gagawin, kundi ang paggawa ng iligal na bagay o gawain  at sa huli sila ay inaabuso at minamaltrato,” ani Villar.

Ipinagtataka ni Villar na sa kabila ng umiiral na Republic Act 9283  o mas kilala sa tawag na Anti-Trafficking in Persons Act, patuloy na lumalakas ang loob ng mga illegal recruiter na magpatuloy sa kanilang gawain at marami pang mga kababayan natin ang nabibiktima ng human trafficking.

Dahil dito, nanawagan si Villar sa ating mga awtoridad at kinauukulan na tiyaking mahuli at masampahan ng kaukulang kaso ang mga recruiter na ito at kanilang mga kasabwat at ipataw ang pinakamataas na parusa ang kaso ng mga pinay OFWs.

Napag-alaman na noong kalagitnaan ng taong 2017, ni-recruit ng nagngangalang Rea Cervantes ang ilan sa mga kababayan nating Pinay sa lalawigan ng Bataan sa pangakong suweldo ng P40,000 kada-buwan bilang isang performers sa Malaysia.

Subalit laking gulat ng mga ito ng mga Pinay na noong sila ay umalis ng bansa noong Setemybre 15, 2017 patungong Malaysia, sila ay idinaan sa pamamagitan ng isang backdoor mula sa Bataan, patungong Maynila patungong Zamboanga, Basilan, Tawi-tawi at hanggang marating Kota Kinabalu sa Malaysia.

Nang dumating sila sa Malaysia, kaagad silang dinala sa kanilang employer, sa Lubuan Kings Musical and KTV Bar saka kinausap ng kanilang amo na hindi lamang pag-entertain ang kanilang gagawin kundi sila ay sasama sa customer kung sila ay nais na dalhin sa labas at humingi ng sexual favor na bagay na tinutulan ng ating mga kababayan.

Bukod dito ay tinakot din sila ng kanilang amo na kung hindi nila gagawin ang utos na ito ay maaari silang patayin at kinuha ang kanilang mga pasaporte at hindi din sila pinahintulutang makagamit ng telepono, hindi sila pinalalabas, hindi binibigay ang kanilang suweldo at ginugutom ng kanilang amo.

Sinuwerte sila nang makakita ng isang kababayan na mayroong sobrang telepono, kaya nagawa nilang matawagan ang kanilang mahal sa buhay sa Pilipinas upang makahingi ng tulong.

“Agad naman humingi ng tulong ang ina ng mga biktima sa isang reporter ng DZRH saka idinulog ang kaso sa National Bureau of Investigation (NBI) at agaran namang nagsagawa ito ng imbestigayson at dahil sa maayos na koordinasyon ay nasakluluhan ang mga nabanggit na Pinay mula sa kamay ng kanilang amo isang buwan matapos na sila ay magtrabaho,” ayon kay Villar.

Nitong Oktubre 31, 2017 nasagip ng mga awtoridad sa Malaysia ang mga Pinay at nakulong ang kanilang amo matapos na sampahan ng kaukulang kaso subalit sila ay nanatili sa shelter dahil sa kanilang pagtestigo sa kaso hanggang tuluyan na silang makabalik ng bansa.

“Nagpapasalamat tayo sa ating mga kinauukulan sa mabilisang aksyon para masagip sina Mary Rose, Julie Anne at Ailene.  At kung hindi sila agad nabawi sa kamay ng kanilang amo ay tiyak na makakadanas pa sila ng sobrang paghihirap,” dagdag ni Villar. (Ernie Reyes)