HUMIRIT NGA BOKYA NAMAN

HUMIRIT NGA BOKYA NAMAN

September 12, 2022 @ 4:56 PM 3 weeks ago


PINANININDIGAN ni Bureau of Customs Deputy Commissioner Edward James Dy Buco na hindi smuggled ang libo-libong sakong asukal na nakaimbak sa mga bodega sa bansa na natunton ng mga otoridad matapos ang isinagawang malawakang sunod-sunod na raid na batay na rin sa kautusan ng Malakanyang.

Ito ang sinabi ng opisyal kay Kabataan Partylist Rep.Raoul Manuel sa ginanap na hearing ng House Committee on Good Government and Public Accountability kamakailan kung saan kumpleto umano sa mga dokumentong magpapatunay na ligal ang pag-angkat nito sa pamamagitan ng Letters Of Authority ng 438,947 sakong asukal.

Subalit naniniwala si Abang Lingkod Rep.Joseph Stephen Paduano na posibleng itinatago lang ng mga negosyante ang asukal upang maibenta ito sa lagpas taong presyo kahit pa ligal ang importasyon nito.

Hindi kaya dinedepensahan lang ng opisyal ng BOC ang importers dahil sinabi mismo ng Malakanyang na artificial shortage lang ang nangyayaring kakulangan ng asukal kung saan umabot na sa 100 piso ang kada kilo nito sa merkado?

Maniniwala ba kayo sa sinabi ni  Buco na wala sa kamay ng BOC ang pagtumbok kung hoarded nga ang bumulaga sa kanilang sako-sakong asukal sa mga bodega samantalang maliwanag pa sa sikat ng araw na nagkakaubusan na ng suplay sa mga tindahan kaya naman umaaray na ang sambayanan sa napakataas na presyo nito?

Wala naman tayong inaakusahan dito ngunit presko pa sa kaisipan ng taumbayan ang isiniwalat ni dating Senate President Tito Sotto may ilang buwan na ang nakaraan kung saan sumabog ang pangalan ng ilang opisyal ng BOC na sabit umano sa maanomalyang importasyon ng galunggong at gulay mula naman sa China.

Hindi ba’t umiiling ang ulo ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. nang minsang pag-usapan ang nangyayaring katiwalian sa DA kasabwat ang ilang opisyal sa BOC lalo na sa isyu ng importasyon kaya nga mismong si PBBM ang pansamantalang umupo bilang kalihim ng una upang matunton ang mga buwaya sa dalawang ahensya?

Ibig sabihin,hindi natin hinuhusguhan na may mga padrino ang importers sa BOC subalit hindi naman maglalakas ang loob ng mga kumag na itong itago ang asukal sa kanilang mga bodega sa kabila ng panawagan ni PBBM na tugunan ang kakulangan ng suplay ng asukal sa mga tindahan.