Hungary makakatuwang ng PH sa vocational education

Hungary makakatuwang ng PH sa vocational education

May 21, 2022 @ 2:26 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Makakatuwang ng Pilipinas ang Hungary sa vocational education and training (VET) nito ayon sa Philippine Permanent Mission to the United Nations.

Kasunod ito ng nilagdaang memorandum of understanding (MOU) nina Department of Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. at ng kanyang Hungarian counterpart na si Foreign Minister Péter Szijjártó nang magkita sila sa New York noong May 20 para sa 2022 International Migration Review Forum.

Kapwa kinikilala ng dalawang bansa na ang pag-develop sa VET gayundin sa adult learning system ay makakatulong para tugunan ang nagbabagong demand sa labor market, lalo na sa mga hamong dala ng 4.0 Industrial Revolution, digitalization, at automation.

Ipapatupad naman ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at ng Hungary’s Ministry of Innovation and Technology ang nasabing kasunduan.

Ang MOU ay ang pinakabagong milestone sa bilateral relations ng Pilipinas at Hungary na mag-lilimampung taon na sa 2023.

Bukod sa paglagda sa kasunduan, tinalakay din nina Locsin at Szijjártó ang political, financial, at economic relations ng dalawang bansa kabilang ang parehong posisyon sa multilateral issues. RNT/ JCM