HUSTISYA AT PAGLAYA NG MGA OFW

HUSTISYA AT PAGLAYA NG MGA OFW

January 26, 2023 @ 2:15 PM 2 months ago


ANO-ANO ba ang mga dapat gawin upang maligtas sa kapahamakan ang mga overseas Filipino worker?

Kaugnay ito ng pagpatay kay Jullebee Ranara ng anak ng kanyang amo sa Kuwait na ngayo’y inaasikaso ng ating pamahalaang Marcos.

Sa isang banda, may mga bansang maayos ang kanilang kalagayan.

Sa Europa, sa Amerika, at sa Asya, kasama ang Japan at China, walang gaanong nababalitaang hindi magandang nangyayari.

Sa kabilang banda, may mga bansa namang pinagmamalupitan sila gaya ng sa Kuwait.

Ang ilang bansang doon nalagay din sa alanganin ang mga OFW, gumagawa na rin ng paraan na hindi madehado o mapagmalupitan sila, gaya sa Saudi Arabia at iba pang ilang bansa sa Gitnang Silangan.

BALIK KAY JULLEBEE

Isang 35 anyos, may apat na anak si Jullebee.

Nag-abroad siya sa paniniwalang mapagkalooban niya ng magandang kalagayan ang kanyang mga anak at buong pamilya.

Naging kasambahay.

Subalit, habang nagtatrabaho, pinagmamalupitan siya, lalo na ng anak na lalaki ng kanyang amo.

Huli na ng nalaman natin, mula sa mga pahayag ng mga nakakikilala at pahayag ni Sen. Jinggoy Estrada, ang nakasusulasok at napakabigat sa dibdib na katotohanan kung paano siya pinagmalupitan ng 17 anyos na anak ng kanyang amo.

Nabuntis siya ng nasabing suspek, dinala sa disyerto saka sinagasaan at sinunog.

Natagpuan ng mga pulis ang kanyang bangkay nang sunog na at basag ang bungo, marahil dahil sa dalawang pananagasa ng sasakyan o kaya sa ibang paraan para lang tiyak siyang mamatay at hindi makilala.

Ang nakagagaan ng loob, mga Bro, pinuntahan at hinuli ng mga pulis ang salarin at nakikipagtulungan na ang pamahalaang Kuwait para sa kaukulang aksyon.

Sana sa huli, makamit ng pamilya Ranara ang hustisya.

Hiwalay na usapin ang mga ayuda mula sa pamahalaan at sa mga kontrata sa empleyo, kasama ang insurance.

Deepest condolences po sa buong pamilya ni Jullebee Ranara!

ANO-ANO ANG MGA GAGAWIN?

Dahil sa pangyayari, kinukuwestiyon ng iba ang buong sistema ng empleyong pang-abroad.

Sabi nila, dapat walang mag-aroad na Pinoy para hindi siya siya mapahamak.

At kasalanan lahat ito ng pamahalaan!

Ganu’n?

Ang totoo, pinakamagandang tanungin ang mga may paninindigan at pananaw na ito kung ano-ano na ang kanilang pinaggagagawa para rito.

Kasama ba sila sa mga nagsusulong ng mga programa o kilusang tunay na ikauunlad ng buong bansa para magkaroon ng pamunuhunan at empleyo sa loob ng mahal kong Pinas at dito mamamasukan ang mga Pinoy at hindi na kailangang mag-abroad para mabuhay at magkaroon ng maayos na kinabukasan?

Aba, maganda, mga Bro, kung meron sila nito.

At sasama tayo sa kanila.

Pero, ano kaya ang masasabi ng mga namumuno sa pamahalaan?

Malaki ang ating paniniwala na higit silang may hawak ng mga kakayahan at pamamaraan upang malutas ang ang mga problema sa empleyong pang-abroad at pandayin ang lahing kayumanggi para malabanan nito ang kalupitan sa mga obrero at itanghal ang kanilang dangal.